Aquino gov't, nakikipag-ugnayan sa KSA para mapauwi ang mga undocumented Pinoys -- DFA
Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na makikipag-ugnayan ang mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas sa Kingdom of Saudi Arabia para maiuwi sa bansa ang mga overseas Filipinos worker (OFW) na nagkakampo sa labas ng PHL Consulate sa Jeddah. “The PHL gov't will negotiate with the Saudi gov't for the waiver of certain requirements, such as the No Objection Certificate from employers who can no longer be contacted, to expedite the repatriation of these OFWs,” nakasaad sa ipinadalang text message ni DFA spokesman Raul Hernandez sa GMA News Online nitong Huwebes. Ayon kay Hernandez, kinukuha ng PHL consulate ang mga detalye sa tinatayang 1,000 hindi dokumentadong OFWs na naninirahan ngayon sa itinayong mga tent sa labas ng konsulado. Sinasabing nagsimulang dumagsa sa labas ng konsulado ang mga OFW makaraang magbigay ng taning ang gobyerno ng KSA sa mga dayuhang manggagawa na ayusin ang kanilang mga dokumento sa loob ng tatlong buwan. Sa sandaling hindi makakuha ng kaukulang dokumento ang mga dayuhang manggagawa sa kanilang bansa, ikokonsidera silang illegal migrant at maaaring hulihin. Ang direktiba ay ipinalabas ng KSA para mabigyan ng prayoridad sa trabaho ang kanilang mga kababayan. Sa tulong ng mga Pinoy communities sa Jeddah, sinabi ni Hernandez na makikipag-ugnayan din ang konsulado sa iba pang undocumented OFWs na nais na ring bumalik sa Pilipinas. Sa isang ulat ng GMA News, sinabing umabot na sa 2,000 ang OFWs na nakatira sa "tent city" sa labas ng konsulado. Kabilang umano dito ang mga babae at mga bata na ang iba ay nagkakasakit na. Sa isang ulat naman ng Arab News, sinabing nasa 100 undocumented Pinoys ang patuloy na dumadating sa konsulado para humingi ng tulong. Nanawagan ang mga OFW sa pamahalaang Aquino na matulungan silang makauwi sa Pilipinas bago matapos ang ibinigay na taning ng KSA. “Nananawagan kami sa pamahalan natin na tulungan kami bago matapos yung tatlong buwan na ilalabas ng Saudi government. Bago matapos yun ay kailangan makauwi kaming lahat,” ayon sa isang Pinoy sa Jeddah sa ulat ng GMA News. “Gumawa na sila ng inistatiba para magkaroon na po ng mass repatriation at hanggat maaari nga ay manawagan na sa Saudi government para ipanawagan na ang general amnesty,” pakiusap ng isa pang Pinoy. Una rito, nanawagan si Labor Secretary Rosalinda Baldoz sa may 20,000 undocumented Filipino workers sa Saudi Arabia na samantalahin ang ibinigay na three-month reprieve sa paghahanap sa mga illegal worker at gumawa ng paraan para maging legal ang pananatili nila doon. Magagawa umanong legal ang pananatili ng mga OFW sa KSA sa pamamagitan ng pagkuha ng Iqama at residency permit ng mga amo ng manggagawang Pinoy, ayon kay Baldoz. Pagkatapos ng tatlong buwang palugid, sinabi ng kalihim na mahigpit na ipatutupad ng KSA ang kanilang labor at visa requirements, at papatawan ng mabigat na parusa at multa ang mga lalabag. Ang multa ay aabot sa 1,000 hanggang 50,000 Saudi riyals (P11,002-P550,105), dagdag ni Baldoz. Kasabay nito, nanawagan ang DFA sa mga OFW na nagkakampo sa labas ng konsulado na bumalik sa kanilang mga tinutuluyan habang inaasikaso ang kanilang mga papeles para makabalik sa Pilipinas. “Please do not risk your health and safety by setting up camps and exposing yourselves to the elements,” pakiusap ni Hernandez sa isinagawang press conference nitong Huwebes.-- FRJ, GMA News