ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 sa 13 preso na pumuga sa kulungan sa Sagay City, nadakip


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dalawa pa lang sa 13 nakatakas na preso sa isang kulungan sa Sagay City, Negros Occidental, ang nadadakip ng mga awtoridad. Samantala, inalis sa kanilang puwesto ang jail warden at dalawang guwardiya na naka-duty nang maganap ang pagtakas noong Miyerkules. Inalis sa kanilang puwesto ang jail warden na si Inspector Bennie Fredie Cobarde, at ang dalawang guwardiya na sina Jail Officer 1 Joever Valenzuela at JO1 Francis Vallador. Pansamantalang mamumuno sa piitan sa Sagay City si SJO4 Eduardo Benares. Samantala, si Sr. Supt. Iignacio Panti, director ng BJMP Region 6, ang nangunguna sa pagtugis sa mga nakatakas na bilanggo. Sa isang ulat mula kay C/Supt Agrimero Cruz Jr., police regional director sa Western Visayas, sinabing nadakip nitong Biyernes ang dalawa sa mga nakatakas na sina Rolando Bajo at Jake Española. Sinasabing si Bajo ang nagpasimuno ng pagtakas, at kapwa may kinakaharap na kasong murder ang dalawang nadakip sa Ceres terminal sa Cadiz City. Batay sa imbestigasyon, sinabing si Bajo umano ang nakapagpuslit ng kalibre 38 na baril sa loob ng kulungan na ginamit para tutukan isang guwardiya na simula ng kanilang pagtakas. Patuloy naman ang paghahanap sa iba pang nakatakas na sina Rey Villanueva,  Joenard Quirante,  Eric Cordero, Joemar Levester, Gilbert Maneja, Marjon Bandala, Richard Dacal-dacal, Armando Dilao, Jimmy Vistar, Restey Dacal-Dacal, at Joelito Subtinente. -  Nenita Hobilla/ER/FRJ, GMA News

Tags: jailbreak