Pagpapasuot sa mga rider ng vest na may plaka ng motorsiklo, epektibo kayang panlaban sa krimen?
Dahil sa lumalalang problema sa kriminalidad na kinasasangkutan ng riding-in-tandem, isinusulong ngayon sa Quezon City ang isang ordinansa na nagtatakda sa mga rider na magsuot ng vest na nakalagay ang plaka ng kanilang motorsiklo. Ngunit habang hindi pa naipapasa ang ordinansa, nais ni Quezon City Police District Senior Superintendent Richard Albano, na boluntaryo muna itong ipatupad sa mga organisasyon ng gumagamit ng motorsiklo. Sa panayam kamakailan kay Albano ng GMA News TV's "News To Go,” ipinaliwanag nito na makatutulong ang pagsusuot ng vest ng mga rider na may plate number ng motorsiklo para matukoy ang mga kriminal na gumagamit ng motorsiklo. “Sa dami ng tumatakbong mga motorcycle, kung may nangyari, dapat i-che-check mo lahat ito. If you wear this vest, kasama ka sa organisasyong ito, ikaw ngayon yung tutulong na tumingin sa mga nawawalang suspek na ito, or hindi ka na rin nache-checkpoint,” paliwanag ni Albano. Ang plano ni Albano ay suporta na rin umano sa ordinansang inihain ni Councilor Ranulfo Ludovica sa konseho ng Q.C. para gawing mandatory ang pagsusuot ng vest. “Without a regulation, without a law, without a city ordinance, hindi natin mapilit... Sinasabihan lang natin ang mamamayan, tumulong kayo, kasi ang crime prevention, sama-sama tayo,” dagdag ni Abano. Si Renato Bautista, spokesperson ng Sitio Mendez, Baesa Riders sa Quezon City, walang nakikitang masama sa programa kaya suportado nila ito. “Tayo namang mga nagmomotorsiklo, we do not like to be blamed for mga 'riding-in-tandem' activities. So we decided to cooperate,” pahayag niya. Ngunit si Edwin Go, presidente ng Motorcycle Dealers' Association of the Philippines, itinuturing "diskriminasyon" ang pagsusuot ng vest na may plaka ng motorsiklo. “It is discriminating against a legitimate motorcycle rider dahil, para bang sinasabi mong kriminal ka na 'pag hindi ka mag-ve-vest with plate number at the back. Who are you to tell me I'm a criminal if I don't wear your vest?” katwiran ni Go. Nitong Sabado, mahigit 300 rider ang nag-ikot sa Q.C. upang iprotesta ang pagpapatupad ng kautusan ni Albano sa pagsusuot ng vest. Pero muling ikinatwiran ni Albano na boluntaryo at hindi sapilitan ang pagsusuot ng vest. Idinagdag pa niya na habang nagpoprotesta ang ilang rider, nagkaroon umano ng krimen sa isang lugar na kanilang dinaanan na kinasasangkutan din ng kriminal na nakasakay sa motorsiklo. Sa nakalipas na mga taon, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga krimen na kinasasangkutan ng mga gumagamit ng motorsiklo o riding-in-tandem. - FRJImenez, GMA News