ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Labanan sa pagka-gobernador sa Pangasinan nina Espino at Braganza, lalong umiinit


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hinamon ni Pangasinan reelectionist Governor Amado Espino Jr.,  ang kanyang mahigpit na kalaban sa pagka-gobernador na si Alominos City mayor Hernanina Braganza na itaas ang antas ng kanilang kampanya. Ang hamon ay ginawa ni Espino sa ginawang panayam ni GMA reporter Sherrie Ann Torres na ipinalabas sa GMA News TV's News To Go nitong Martes. Sa hiwalay na panayam ni Torres kay Braganza, inakusahan nito si Espino na nasa likod ng mga patayan sa lalawigan. Nanunuhol din umano ng tig-P100,000 ang kampo ng gobernador sa mga kasaping alkalde ng Liberal Party na lumipat ng partido at tiyakin ang panalo muli ni Espino. Kasabay ng pagtanggi sa mga akusasyon ni Braganza, hinamon ni Espino ang kanyang katunggali -- na tinawag niyang matalino naman -- na itaas ang antas ang kanyang kampanya. Kapwa malapit kay dating Pangulong Fidel Ramos sina Braganza at Espino. Si Espino ay nagsilbing military commander sa Region 1 noong panahon ni Ramos, habang pamangkin ng dating pangulo si Braganza. Gayunman, si Braganza ang inindorso ni Ramos, habang si Espino naman ang inindorso ni dating Sen. Letty Ramos-Shahani, kapatid ng dating pangulo. Inaakusahan din nina Braganza at Espino ang isa't isa na nagbabanta sa kanilang mga buhay. Si Braganza ang pambato ng LP, habang si Espino ang manok ng United Nationalists Alliance. Ang Pangasinan ay isa sa mga lalawigan na mayaman sa boto na tinatayang aabot sa 1.6 milyon. -- FRJimenez, GMA News