12 Tsino, may-ari ng barkong sumadsad sa Tubbataha, haharap sa P1.4-M multa
Maliban sa mga kriminal na reklamong inihain laban sa kanila, maaari ring humarap sa hanggang P1.4 milyong administratibong multa ang 12 Tsinong sakay sa barkong sumadsad sa Tubbataha Reef noong Abril 8, inihayag ng tagapangalaga ng bahura nitong Martes. Sa isang blog post, sinabi ng Tubbataha Management Office na umaabot sa P1.4 milyon ang mga nalabag sa mga probisyon ng Tubbataha Law. "A fine of P1.4 million is computed for violating Section 19 (Unauthorized Entry), Section 21 (Non Payment of Conservation Fees), Section 26g (Destroying, Disturbing Resources) of Republic Act 10067," aniya. Dagdag nito, ang halagang ito "does not include the compensation for the coral damage and restoration as it awaits the result of the final assessment." Ihahain ang mga administratibong multa sa mga Tsinong mangingisda at sa may-ari ng barko, na hindi pa nakikilala. Sa ilalim ng Republic Act 10067, maaaring mabilanggo ng anim na buwan hanggang isang taon at pagmultahin ng P100,000 hanggang P300,000 ang mga "unauthorized entry." Kapag commercial fisher naman ang lumabag, madadagdagan ang parusa ng isa hanggang tatlong taong pagkabilanggo at pagbabayad ng P500,000 multa. Sa mga hindi naman nakapagbayad ng conservation fees, doble sa halaga nito ang sisingilin bilang parusa. Haharap naman ang mga lalabag ng Section 26g sa tatlo hanggang anim na taong pagkabilanggo at P100,000 hanggang P300,000 na multa, at pati na rin ang administratibong multang mula P300,000 hanggang P1 milyon. Nauna nang sinampahan ng mga kriminal na kaso ang 12 Tsino dahil sa ilegal na pangingisda at sa pagtatangkang pagsuhol sa mga park rangers. Pinsala sa bahura Gayundin, sinabi ng TMO na "a team of marine scientists and coral experts was to leave for Tubbataha Reef Tuesday to conduct an annual research and monitoring." Dagdag nito, ito ay upang matukoy ang "extent of the damage caused by the Chinese vessel when it ran aground on the North Atoll of the reef on 8 April." Sa inisyal na pagsusuri noong Abril 13, umabot ng 2,300 square meters ang pinsalang natamo ng lugar. Ayon sa TMO, inaasahan nilang makuha ang pinakahuling sukat ng pinsala ngayong Abril 30. Pangolin Samantala, sinabi ng TMO na hinihintay pa nito ang utos ng korte upang mailibing ang 2,000 patay na mga pangolin na nasabat mula sa Tsinong barko. Ayon nito, kinokonsiderang endangered species ang mga pangolin. "The Tubbataha Management Office, Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), Department of Environment and Natural Resources and the Philippine Coast Guard will bury the pangolin carcasses, which are now starting to decompose, at the Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) and PCSD–Palawan Agricultural Center in Irawan, Puerto Princesa City," ayon nito. — Amanda Fernandez/BM, GMA News