PNoy: Checkpoints at permit-to-campaign ng NPA, buwagin
Iniutos umano ni Pangulong Benigno Aquino III na magsagawa ng operasyon ang tropa ng pamahalaan para buwagin ang inilalagay na mga checkpoint, gayundin ang hinihinging permits-to-campaign ng komunistang rebelde sa mga lokal na kandidato ngayong eleksiyon. Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, umaasa si Aquino na mapapanatili ng militar at ng mga pulis ang kapayapaan sa mga lugar kung saan nananatili ang puwersa ng New People's Army (NPA) sa susunod na mga linggo “Our security forces do continue to conduct operations... pero ini-expect naman po natin that the peace will be kept in these particular areas. Katulad po ngayon, nagkakaroon sila [NPA] ng renewed activity dahil nga po doon sa kanilang tinatawag na permits-to-campaign,” pahayag ni Valte sa isang press briefing. Naglabas ng pahayag ang Malacañang matapos tambangan ng NPA ang convoy ng ina ni Sen. Teofisto Guingona III na si Gingoog City Mayor Ruthie de Lara-Guingona sa Misamis Oriental. Nasugatan pero nakaligtas ang alkalde. Nasawi naman ang kanyang security aide at drayber. Sa isang pahayag na inilabas nitong Linggo, humingi ng paumanhin ang mga rebelde dahil sa insidente. Ngunit iginiit nila na ipagpapatuloy nila ang mga checkpoint operation sa Mindanao, kung saan pinagbabawalan ang mga kandidato at kanilang security escorts na magdala ng mga armas. Sinasabing nangongolekta ang NPA, ang armed wing ng Communist Party of the Philippines (CPP), ng bayad bilang "permit to campaign" sa mga kandidato para makapangampanya sa mga lugar na itinuturing kontrolado ng mga rebelde. Nitong Lunes, pinaalalalahan ng mga rebelde ang mga kandidato na humingi muna sa kanila ng permiso bago mangampanya sa kanilang mga lugar. Ayon kay Valte, ang mga komunistang rebeldeng responsable sa ambush sa convoy ni Mayor Guingona ay mananagot at kailangang humarap sa hustisya. “They are being pursued as we speak. Sa akin pong pagkakaintindi ay nagkaroon na naman po sila ng isang engkwentro at pinaniniwalaan po ng ating kasundaluhan na these are elements from the same group that had ambushed Mayor Guingona and her party,” aniya. Nananatiling nakabitin pa mula noong 2004 ang usapang pangkapayapaan ng gobyerno at National Democratic Front (NDF), ang political wing ng CPP.- Mandy Fernandez/FRJ, GMA News