ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilegal na koneksiyon ng cable TV at internet, may kaparusahan na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinirmahan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang batas na nagtatakda ng kaparusahan sa ilegal na koneksiyon ng cable television at cable internet sa bansa.   Sa ilalim ng Republic Act 10515 na pinirmahan ni Aquino nitong Miyerkules, paparusahan ang sinumang gagamit ng signal ng cable television system o cable internet system mula sa ilegal na koneksyon.   “Dahil meron na nga po tayong cable internet ngayon, kailangan na rin pong gawing krimen yung pagta-tap o yung pagkakabit ng iligal na koneksyon doon sa cable internet service—doon sa sistemang ito,” pahayag ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa isang press briefing nitong Martes ng hapon.   Ipinagbabawalan din sa bagong batas ang “wantonly, maliciously and willfully damaging, destroying or removing cable TV and/or cable internet facilities and accessories of authorized cable TV and/or cable internet service providers.”   Sa ilalim ng batas, mahaharap sa parusang pagkakakulong ng dalawa hanggang limang taon, o multang P50,000 hanggang P100,000 ang mga lalabag.   Kapag korporasyon o asosasyon ang lumabag, mapaparusahan ang pangulo, manager o kahit sinong opisyal nito. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News