DOJ, kokonsulta sa DFA sa pagpapatuloy sa pag-usig kay Amalilio
Ikokonsulta ni Justice Sec. Laila de Lima sa Department of Foreign Affairs, kung nasa tamang panahon nang ipagpatuloy ang pag-uusig kay Manuel Amalilio, ang founder ng Aman Futures Group, na sangkot na bilyun-bliyong pisong investment scam. Nais ng kalihim na kunin ang opinyon ng DFA kung napapanahon nang magpadala ng legal team ang DOJ sa Malaysia. Ayon sa ulat ng dzBB, sinabi ng kalihim na humupa na ang tension sa Sabah matapos wakasan ng pamahalaan ng Malaysia ang pagtugis sa mga taga-suporta ni Sultan Jamalul Kiram III ng sultanato ng Sulu. Matatandaang kinansela ang misyon ng legal team ng DOJ noong Marso dahil sa krisis sa Sabah. Mandato ng legal team na ipursige ang negosasyon sa Malaysian government upang maibalik sa Pilipinas si Amalilio. Ang Aman Futures na itinatag ni Amalilio ay sangkot sa pinakamalaking pyramiding scam sa bansa na bumiktima ng libu-libong mga investor. Natangay nito mula sa aabot 15,000 investors mula Mindanao at Visayas ang hindi bababa sa P12 bilyong. Si Amalilio ay nahatulang mabilanggo ng dalawang taon sa Malaysia dahil sa paggamit ng pekeng pasaporte. — RC /LBG, GMA News