ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pulis: Pagpatay sa mamamahayag sa Zambo Sibugay, 'di konektado sa trabaho


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inihayag ng mga pulis nitong Miyerkules na ang pagpatay sa isang radio announcer sa Zamboanga Sibugay noong Lunes ay walang kinalaman sa kanyang trabaho bilang mamamahayag. “Ongoing yung investigation. Hindi po work-related. Right now we’re looking at a love triangle theory,” ayon kay Public Information Officer Chief Inspector Ariel Huesca. Gayunpaman, hindi na nagbigay ng iba pang detalye si Huesca tungkol sa isinasagawang imbestigasyon, maliban sa impormasyong may asawa na ang biktima. “He was married but [other than that], hindi namin maka-qualify kasi ongoing yung investigation,” ani Huesca. Ayon sa mga naunang ulat ng mga pulis, binaril ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo  ang 33-anyos na si Mario Vendiola Baylosis sa harap ng Phoenix Gasoline Station sa national highway sa Brgy. Salipyasin, Kabasalan. Nagtamo na tatlong tama ng bala si Baylosis at idineklarang "dead on arrival" sa Pathfinder Estate Hospital sa Kabalasan. Sinabi rin ni Huesca na hindi maiisip ng pamilya ni Baylosis na may kinalaman sa kanyang trabaho ang pagpaslang sa kanya. “Nung makausap yung pamilya, sabi rin nila walang relation [yung pagiging radio announcer] sa pagkamatay,” ayon kay Huesca.  Dagdag pa niya, "part time" lamang na nagtatrabaho si Baylosis bilang DJ.   “More on reporting niya is centered in Kabasalan, Zamboanga Sibugay local issues. He is not involved in any commentary program involving local or national politicians,” ani Huesca. PDEA asset Tinitignan na rin ng Zamboanga Regional Office ang pagiging asset ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng biktima. “Hindi siya regular asset [na may mission orders] pero he just gives information sometimes,” ayon kay Huesca. Kinukumbinsi na ng mga pulis ang mga testigo na magsabi sa kanilang nasaksihan sa krimen upang makausad na ang imbestigasyon ng mga pulis. “So far, wala pang leads although may eyewitnesses on incident. Kino-convince pa na magsalita sa ano talaga ang nakita nila, kasi medyo hesitant,” ani Huesca. Ayon sa kanya, maaaring natatakot ang mga testigo na baka gantihan sila ng mga suspek.  Ayon naman sa isang international na organisasyon ng mga mamamahayag na Committee to Protect Journalist, 73 mamamahayag na ang napatay sa Pilipinas mula 1992. Inilista na CPJ ang Pilipinas bilang "second deadlist country" sa buong mundo para sa mga mamamahayag noong 2011, kasunod sa Iraq. Noong nakaraang taon, sinabi ng National Press Club of the Philippines (NPC) na sa unang dalawang taon ng administrasyon Aquino, 12 mamamahayag ang napatay. Samantala, limang mamamahayag naman ang napatay sa unang dalawang taon ng administrasyon ni dating pangulong Gloria Arroyo. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News