ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Magtiyuhin, natagpuang patay at may mga tama ng bala sa kanilang kubo sa Abucay, Bataan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa hindi pa malamang dahilan, binaril at pinatay ang isang magtiyuhin sa mismong kubo nila sa bundok ng Abucay, Bataan nitong Miyerkules ng madaling araw. Nagtamo ng mga tama ng bala sa hindi pa malamang kalibre ng baril sina Zosimo Atienza, 43, at pamangkin niyang si Raymart Villegas, 16. Si Atienza ang may- ari ng kubo na nasa gitna ng burol sa lupang sinasaka nito sa Hulong Dumpit ng Upper Capitangan sa Abucay. Nakita ang duguang bangkay ni Atienza na malapit sa tarangkahan ng kanyang kubo. Samantalang nakita naman ang bangkay ni Villegas sa loob ng kulambo. “Nakarinig kami ng lima o pitong putok ng baril sa pagitan ng alas-5 at alas-6 ng umaga. At pagkatapos ng limang minuto ay tatlo o apat na putok uli,”  kuwento ni Emily del Monte, residente malapit sa kubo ng mga biktima. Unang nakita ng mga taong nagtungo sa bahay ng magtiyuhin ang bangkay ni Atienza,  at lalo silang nagulat nang makita rin ang bangkay ng binatilyo sa loob ng kubo. Sa Orani, Bataan nakatira ang katatapos pa lamang sa high school na si Villegas at paminsan-minsan lang ito pumupunta sa bundok upang samahan ang tiyuhin. Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang motibo ng krimen at kung sino ang pumaslang sa magtiyuhin. -- Ernie B. Esconde/FRJ, GMA News

Tags: rpcrimes, bataan