Ex-Pres. Arroyo, gustong idepensa ang sarili sa kinakaharap na graft case sa Sandiganbayan
Nais ni dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, na tumestigo sa First Division ng Sandiganbayan para idipensa ang sarili sa kinakaharap na plunder case kaugnay sa maanomalyang paggamit umano nito sa P366 milyong confidential intelligence funds ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Sa isinumiteng pre-trial brief sa Sandiganbayan, inihayag ng kampo ni Arroyo na tanging ang dating pangulo lamang ang isusumite nilang testigo sa korte. Dahil kinasuhan din sa korte ang mga taong may nalalaman sa transaksiyon sa paggamit ng pondo, sinabi ng kampo ni Arroyo na hindi sila maaaring obligahin na maging testigo para sa kapwa akusado. Gayunman, wala umanong personal na nalalaman si Gng Arroyo pagdating sa “release, disbursement, use and liquidation” ng nasabing pondo ng PCSO na ginamit umano noong 2008 hanggang 2010. Nais ng dating lider na maunang isalang ang mga kapwa akusado nito sa kaso bago nito ilalatag ang kanyang depensa. “She thus prays that …she be allowed to present evidence last so that she may adopt the testimonies of her co-accused who may testify in their behalf or of such witness as they may present during trial,” ayon sa kampo ni Gng. Arroyo. Nahaharap din sa naturang kaso sina dating PCSO general manager Rosario Uriarte; dating PCSO Board chairman Sergio Valencia; dating PCSO board directors Manuel Morato, Jose Taruc V, Raymundo Roquero at Ma. Fatima Valdes; dating PCSO budget and accounts manager Benigno Aguas; dating Commission on Audit chairman Reynaldo Villar at dating COA-Intelligence Fund Unit head Nilda Plaras. Kasalukuyang naka-hospital arrest si Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) dahil sa mga kinakaharap nitong kaso kabilang na ang plunder cases at electoral sabotage. Muling tumatakbong kongresista sa distrito sa Pampanga si Arroyo sa darating na May elections.-- RP/FRJ, GMA News