Biyuda ng pinaslang na alkalde ng Lupi, CamSur, nagsalita na
Naging emosyonal ang biyuda ng pinaslang na alkalde ng Lupi, Camarines Sur na si Raul Matamorosa nang makapanayam hinggil sa pagsasampa ng kaso laban sa mga akusado sa nangyaring krimen. Sa panayam, sinabi ni Maria Concepcion Matamorosa, na parang nabunutan siya nang tinik dahil uusad na ang kaso sa sinapit ng kanyang mister, Si Raul, kasapi ng Liberal Party (LP), ay binaril at napatay noong Oktubre 2012 habang nasa Naga City. Sinampahan ng kasong murder ang pitong akusado kabilang ang nakaupo ngayong alkalde ng Lupi na si Jovy Osabal, ang asawa niya na isang radio broadcaster. Sakabila nito, tuloy naman sa pangangampanya ni Osabal na muling tumatakbong alkalde sa lungsod. Paliwanag niya, wala pa siyang natatanggap na subpoena tungkol sa nasabing kaso. Nanindigan din ang alkalde na wala siyang kinalaman sa pagpaslang kay Raul. Maging ang asawa ng alkalde ay tuloy din sa trabaho nito sa isang himpilan ng radyo sa Naga City. Umaasa ang magkabilang panig na lalabas ang katotohanan sa pagpaslang sa alkalde. -- Michael Biando/FRJ, GMA News