Ama na nagmalupit umano sa 5-taong-gulang na anak, ikinulong
Dinakip at nahaharap sa kasong child abuse ang isang ama sa Pozorrubio, Pangasinan matapos ireklamo ng pagmamalupit sa sariling anak na limang-taong-gulang pa lamang. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Huwebes, sinabing pinalo, sinakal at hinulog sa hukay na may lalim na anim na talampakan ang batang itinago sa pangalang "Ben." Ayon sa ina ng bata, lagi umanong sinasaktan ng kanyang mister ang kanilang anak. Ang pinakahuli ay nitong Martes nang umakyat sa puno ng bayabas ang bata. Sinabi ni Police Chief Insp. Jun Galingan, hepe ng Pozorrubio police, inaresto ang ama ni Ben batay na rin sa testimonya ng ina na laging sinasaktan ang kanilang anak. Ngunit depensa ng ama, pinalo lang niya ang bata dahil sa ginawa nitong pag-akyat sa mataas na puno na maaari umanong ikapahamak ng anak kapag nahulog. Sa isinagawang pagsusuri kay Ben, nakitang may mga sugat at pasa ito sa katawan at leeg na posible umanong nagmula sa pananakit ng ama. - FRJ, GMA News