Reel Time presents: Saang
Reel Time presents: SAANG
Airing date: April 28, 2013, 8:45pm, Sunday
Karagatan na ang kinamulatan at kinalakihang ‘palaruan’ ng magpinsang sina Jobel at Istoy. Sa karagatan na kasi naka-angkla ang buhay ng kanilang mga pamilya.
Araw-araw, sinisisid nina Jobel at Istoy ang karagatan ng Mactan, Cebu para maghanap ng mga maibebentang lamang dagat. Ang pakay nila sa ilalim ng karagatan, ang mga saang.
Ang saang o spider conch ay isang uri ng suso sa dagat na kilala sa disenyo ng shell nito na patusok-tusok ang gilid. Animo’y bato sa ilalim, karaniwang matatagpuan ang mga saang sa sahig ng karagatan. Mahirap man itong makita, handa sila Jobel at Istoy na suyurin ang karagatan at pulutin ang mga saang. Marami rin kasi ang nahuhumaling sa lasa ng saang. Kada piraso nito, nagkakahalaga ng limang piso. Pero sa kabila ng panganib at kahirapan, handa nila itong sisirin, katumbas man ay barya lamang.
Bukod sa saang, iba’t-ibang uri pa ng seashell ang pinagkakakitaan ng magpinsan. Tinatayang may mahigit 20,000 uri ng seashells sa buong mundo at ang mahigit 5,000 sa mga ito, maaaring matagpuan sa Pilipinas. Kaya naman taglay ng ating bansa ang taguring seashell capital of the world. At ang sentro nito sa Pilipinas, sa isla ng Mactan sa Cebu matatagpuan.
Pero sa pagdaan ng panahon, paunti na ang mga nahuhuli at ibinabagsak na seashell sa Mactan. Kaya sina Jobel at Istoy, sinasamantala nilang lusungin ang pagkakataon para mula sa kahirapan sila ay makaahon.
Ngayong Linggo, samahan natin sina Jobel at Istoy at ang kanilang mga pamilyang umaasa sa biyaya ng karagatan. Pagsapit ng 8:45 ng gabi sa GMA News TV, sisisid tayo sa Cebu para tunghayan ang kwento ng “Saang” sa Reel Time.