AFP, Princess Jacel, itinangging may binaril na 35 na tauhan ni Kiram
Kapwa itinanggi ng Hukbong Sandatahang ng Pilipinas at ang kampo ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III ang ulat na binaril at napatay ng mga Pilipinong commando ang aabot sa 35 na taga-suporta ng Sultan na nagtangkang pumasok sa Sabah. "So far, the navy is already denying [it]. We are not receiving reports... Ang Western Mindanao Command and the Naval Task Force, sila na mismo 'yung humahawak ng naval vessel, wala rin silang reports about it," ayon kay Lt. Commander Gregory Pavic ng Philippine Navy sa panayam sa GMA News Online. "Until now, per verification made with the Philippine Navy and Western Mindanao Command, we have no reports of such kind," ayon naman kay Arnulfo Burgos, tagapagsalita ng militar, sa isang text message sa GMA News Online nitong Biyernes. Ayon naman kay Princess Jacel Kiram, anak ng Sulu sultan na umaangkin sa Sabah, wala umanong nangyaring ganyan. "Kinumpirma po natin kanina dun sa secretary general. Siya ay tumawag po... at na-confirm niya po na wala raw 35 na umalis at pumuntang Sabah at nabaril," sabi niya sa isang panayam sa "Balita Filipinas" noong Huwebes. Ayon din sa tagapagsalita ng Western Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines na si Col. Rodrigo Gregorio, wala raw silang natatanggap na ulat mula sa mga puwersa nila. "Wala naman kaming ganung balita. Hindi ko alam paano lumabas ang ganung balita. If you ask the Navy, wala naman silang nakitang nangyaring ganun," aniya. Samantala, sinabi ni Princess Jacel na matagumpay na nakapunta ang 400 nilang taga-suporta sa Sabah at bumuo ng isang guerilla base doon. Sinabi naman ng Navy na imposibleng malusutan sila ng mga nasbaing mga taga-suporta ng sultan. Hindi bababa sa 35 armadong kalalakhihan ang umanoy namatay matapos pagbabarilin ng puwersa ng Pilipinas noong Miyerkules. Ayon kay Malaysian Defense Minister Datuk Seri Dr Ahmad Zahid Hamidi, batay umano sa intelligence reports nila, balak umanong maghasik ng gulo sa Sabah ang 35 na tauhan ni Kiram sa gaganaping general election sa Malaysia sa Mayo 5, ulat ng The Star Online ng Malaysia. "If they had entered our waters, we would have taken them out. We will defend our country," dagdag ng opisyal. Sinabi pa sa ulat na ang 35 ay pinagbabaril ng Philippine Navy at Coast Guard bago pa man makapasok sa terityoryo ng Malaysia. Hindi pa malinaw kung ang mga napatay, na inilarawan sa Star Online na "Sulu militants," ay kunektado kay Kiram. Sumugod sa Sabah ang ilang mga taga-suporta ni Kiram noong Pebrero at nagresulta ito sa tatlong linggong tensyon, na nagtapos madugong mga bakbakan noong Marso 1 at 2. Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang operasyong militar ng Malaysia sa Sabah laban sa mga natitirang tauhan ng sultanato ng Sulu. — JGV /LBG, GMA News