ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Malaysia naglunsad ng tourism campaign sa Sabah


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nahaharap ngayon ang mga opisyales ng Sabah sa isang problemang hindi nalalayo sa kinahaharap ng Mindanao tourism promoters – ito ay ang pagkakaroon ng nakatatakot na reputasyon ng isang buong rehiyon dahil lamang sa iilang hot spots. Naglunsad na ang mga awtoridad sa Malaysia ng isang tourism campaign para sa Sabah, na kamakailan ay laman ng mga pahayagan dahil sa bakbakan sa pagitan ng Malaysian seccurity forces at mga tagasunod ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III. Iginiitng mga tauhan ni KIram ang kanilang pagmamay-ari sa Sabah. Ang kalakhan ng Sabah, na inaangkin ng Malaysia na may higit sa tatlong milyong katao na kabilang sa iba't ibang grupong etniko, umano ay "nananatiling mapayapa at ligtas." Ang mga bakbakan ay nangyari lamang sa iilang bayan sa silangang Sabah. Nitong Biyernes, inilunsad ng Tourism Malaysia Domestic Promotion Division ang "Sabah, Sandakan & Tawau Tour Packages" na nagpapakita sa 10 tourist destinations sa Sandakan at Tawau. Ayon sa Bernama news agency ng Malaysia, ang tourism campaign ay isang "initiative to introduce these tourist destinations to domestic travelers after the Lahad Datu incident." Ayon kay Tourism domestic promotion division director Musa Yusof, nagsama-sama ang Ministry of Tourism, Tourism Malaysia at iba pang ahensiya upang buuhin ang Sabah Tourism Task Force (STTF) noong Marso 18 "to counter the negative impact of the Lahad Datu incident." Noong Pebrero, ilang mga armadong taga-suporta ni Kiram ang nakipagbakbakan sa puwersa ng Malaysia sa tatlong linggong standoff na nasundan ng armadong bakbakan noong Marso 1 at 2, na nagresulta sa iba pang bakbakan sa paligid ng Lahad Datu sa silangang Sabah. Tour packages with movie titles Iniulat din ng Bernama na ang tour packages nila ay tumatagal ng apat na araw at tatlong gabi sa Sandakan ("Return of The Planet Ape") at apat na araw at tatlong gabi ("Finding Nemo & Dory") sa Mabul Island. "The packages were named after popular movies as people tend to remember famous movies more," sabi ni Musa. Sinabi niya na ang Sandakan at Tawau ay punung-puno ng likas na yaman at destinasyon tulad ng Sukau-Kinabatangan, Sepilok Orang Utan Rehabilitation Centre, Selingan Island sa Sandakan; at Tawau Hills Park, Teck Guan Cocoa Museum and Village, Mabul, Kapalai, Mataking, Sipadan Islands sa Semporna. Kumpiyansa si Musa na makakamit ng Sabah Tourism Board ang target nito na dalawang milyong turista ngayong taon. Subalit nagkaroon ng pagbaba sa pagdating ng turista sa lugar nitong nakaraang Enero at Pebrero kumpara sa parehong panahon noong isang taon. Dagdag ni Musa, umakyat ng 21.9 porsyento ang paggasta ng mga turista noong 2011 sa RM42.3 bilyon, kumpara sa RM34.7 bilyon sa parehong panahon noong 2010. Pulitika Samantala, sa hiwalay na ulat ng New Straits Times ng Malaysia, inakusahan na ng Malaysian Defense Minister ang tatlong lider oposisyon sa Malaysia na kasabwat umano sa "armed intrusion" mula sa Pilipinas. Ayon kay Minister Datuk Seri Dr Ahmad Zahid Hamidi, dalawa sa tatlong lider ng oposisyon ay nakabase sa peninsula samantalang ang ikatlo ay nasa Sabah. "We have identified the culprits and we have evidence to prove their involvement in the intrusion. However, we are still compiling more evidence to come out with a strong case against the three suspects," aniya. — JGV /LBG, GMA News