Lanao del Norte ambush walang kinalaman sa halalan, ayon kay Roxas
Wala umanong kinalaman sa eleksyon ang ginawang pananambang kay Mayor Abdulmalik Manamparan ng Nunungan, Lanao del Norte, kamakailan, kung saan 13 katao ang namatay, kabilang ang anak na babae ni Manamparan. Sa isang press briefing nitong Martes, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas II na batay sa imbestigasyon, rido o away pamilya ang ugat ng nasabing pananambang. Sinabi rin ni Roxas na hindi kabilang ang insidente sa 17 kaso ng election-related violence na naitala ng Philippine National Police (PNP) mula Enero hanggang Abril ng taong kasalukuyan. “Kaklaruhin ko lang, hindi kasama yung naganap sa Lanao na ambush. Binibilang siya na rido ng PNP,” anang kalihim. “In fact, if we look at the motives, dun natin makikita whether it is election-related or not. Inaasahan na some time in the future, mangyari ulit yan, kasi ubusan ng lahi ang ginagawa nila,” dagdag ni Roxas. "Rido" ang terminong ginagamit sa Mindanao na tumutukoy sa marahas na away-pamilya. Bukod sa 17 kaso ng election-related violence, naitala rin ng PNP ang 15 biktima ng mga karahasang ito sa 15 kinilalang "areas of concern" ng Commission on Elections (Comelec). 'High-risk' na mga probinsya Nauna nang kinilala ng pamahalaan ang 15 "high-risk" na probinsya para sa eleksyon ngayong Mayo 13. Ang mga ito ay:
- Abra
- Pangasinan
- Ilocos Sur
- La Union
- Cagayan
- Pampanga
- Nueva Ecija
- Batangas
- Cavite
- Masbate
- Samar
- Misamis Occidental
- Maguindano
- Lanao del Sur
- Basilan