Pakiusap ni Tagle sa mga negosyante: Tao muna bago ang kita
Ngayong Araw ng Paggawa – Labor Day – nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga negosyante sa bansa na unahin muna ang dignidad ng mga mangagawa bago ang kita. Sa Misang dinaluhan ng labor groups sa Quiapo Church nitong Miyerkules, inihayag ni Tagle ang kanyang pagkabahala sa mga modernong "trends" sa business sector na umano'y "nakasisira" sa karapatan ng mga Pilipinong manggagawa. "Sa pag-e-evaluate ng trends sa mundo ng paggawa sa kasalukuyan, huwag sana nating kalimutan na hindi tubo ang pinakaunang norm. Ang una pa rin ay ang dangal ng tao na nilikha at kawangis ng Diyos – the primacy of the human person over capital and profit," ani Tagle sa kanyang homily. Dagdag pa, sinabi niyang hindi umano dapat gumamit ang mga negosyo ng "classification" [casual, regular at iba pa] sa mga manggagawa upang pagsamantalahin ang mga ito. "Ano pa man ang classification ng isang manggagawa, [siya] ay tao pa rin na may karapatan. Sa mundo kasi ngayon, nagagamit ang mga classification na ito upang ang karapatan ng mga manggagawa ay masira," aniya. Ayon kay Tagle, ang pinakabatang kardinal sa Pilipinas, "misyon" ng Roman Catholic Church na makipagtulungan sa labor sector. "Ang pagpasok ng Simbahan sa larangan ng paggawa ay hindi lamang pakikialam. Ito ay bahagi ng aming misyon... Batid ng Simbahan na sa mundo ng paggawa ay marami nang pagbabago na nangyayari," aniya. Nanawagan ang mga Katolikong obispo sa Pilipinas sa gobyerno na itaas ang minimum wage sa bansa "to help narrow the gap between the rich and the poor." Gayunpaman, sinabi ng Department of Labor and Employment noong nakaraang linggo na hindi maaaring itaas ng gobyerno ang sahod ngayong Araw ng Paggawa. Noong Martes, tinanggihan ni Pangulong Benigno Aquino III ang panawagan ng mga manggagawa na bigyang prayoridad ang panukalang-batas para sa "security of tenure," pati na rin ang kahilingang bigyan ng tax exemptions ang mga minimum wage earners. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News