P200M, kabuuang pabuya para sa ikadarakip ng lahat na 'most wanted' sa bansa
“Para na ring tumama sa lotto ang makapagtuturo sa mga most wanted sa Pilipinas.” Ito ang sinabi ni Dir. Francicso Uyami Jr, hepe ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group, matapos kumpirmahing aabot sa P223,700,000 ang reward money sa sino mang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga most wanted sa bansa, ayon sa ulat sa dzBB. Sa ngayon, may 569 na most wanted sa Pilipinas. Kabilang dito ang mahigit 100 na may kasong pagpatay, rape at kidnapping. Sinabi din ng CIDG na nananatili pa rin dito sa bansa ang karamihan sa kanila. Ayon pa sa nasabing ahensya, may tig-P2M na patong sa ulo ang bawat most wanted criminal. Aminado ang CIDG na hirap silang mahuli ang tinatawag nilang “malalaking isda” laluna't posibleng may kumakanlong sa kanila. Ito umano ang dahilan kung bakit magbibigay ang pulisya ng malaking pabuya. — RC /LBG, GMA News