Kandidato sa pagka-alkalde sa Davao Oriental, dinukot ng mga rebelde
Dinukot ng hinihinalaang mga miyembro ng New People's Army ang kandidato sa pagka-alkalde sa Baganga, Davao Oriental matapos na hindi umano makapagbayad ng "permit-to-campaign" fees. Kinilala ni police provincial director Senior Superintendent Jose Carumba, ang biktima na si Ronnio Osnan, independent candidate. Sinasabing dinukot siya dakong 1:00 p.m. nitong Miyerkules matapos mangampanya sa Barangay Kampawan, Banganga. Dinukot din ng mga komunistrang rebelde ang isang pastor na si Manny Tizon ngunit agad ding pinakawalan, ayon kay Carumba. "Right now itong si pastor [na] na-release [ay] volunteering to negotiate kung ano talaga para ma-release [si Osnan]," paliwanag ni Carumba nitong Huwebes. Ipinaalam umano ni Tizon sa mga awtoridad na dinukot si Osnan matapos na hindi makapagbayad ng permit-to-campaign fees sa mga rebelde. Ayon sa militar, tinatayang P50,000 hanggang P5 milyon ang sinisingil ng mga rebelde sa mga kandidato, partikular na sa Visayas region. Nangongolekta ang NPA, armadong bahagi ng Communist Party of the Philippines (CPP), ng pera mula sa mga kandidato bago sila payapagang makapangampanya sa mga lugar na pinaniniwalaang kontrolado ng mga rebelde. Hindi ito ang unang pagkakataon na may dinukot ang mga NPA ngayong panahon ng pangangampanya. Noong Linggo lamang ng hapon, dinukot ng mga rebelde ang escort ni governor Arturo Uy. Inako naman ng mga rebelde ang responsibilidad sa pagdukot, at idinahilan na hindi sinunod ng lokal na pamahalaan ang kanilang "no-firearms policy" sa loob ng "revolutionary territories." Muli namang pinaalalahanan ng mga rebelde ang mga kandidato na kumuha muna ng permiso at makipag-ugnayan sa kanilang grupo bago pumasok sa lugar na kontrolado nila. Noong nakaraang linggo, tinambangan din at nasugatan ng mga rebelde ang convoy ni Gingoog Mayor Ruthie de Lara-Guingona, ina ni Sen. Teofisto Guingona III, at asawa ni dating Vice President Teofisto Guingona Jr. Bagaman nakaligtas ang alkalde sa pananambang, nasawi naman ang kanyang dalawang tauhan. Kasunod ng insidente, inatasan ni Pangulong Benigno Aquino III ang puwersa ng pamahalaan na magsagawa ng operasyon laban sa mga komunistang rebelde at buwagin ang kanilang mga checkpoints. Nanawagan naman ang militar sa mga botante na huwag suportahan ang mga kandidatong pumapayag sa ginagawang pangingikil ng mga rebelde. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News