ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

De Lima, inako ang responsibilidad sa pagtakas ni Mancao sa NBI


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inako ni Justice Secretary Leila de Lima nitong Huwebes ang "full responsibility" sa pagkakatakas sa National Bureau of Investigation (NBI) ni dating Senior Superintendent Cezar Mancao II, suspek sa pagpatay sa publicist na si Salvador "Bubby" Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000.   "Kami ang mananagot kung hindi namin siya (Cezar Mancao) maibalik. I’m actually taking full responsibility," pahayag ni De Lima.   Ayon pa sa kalihim, nakumpirma niyang nasa labas na ng Metro Manila ang dating opisyal ng Philippine National Police.   "Ang sabi [niya] nasa labas na siya ng NCR. Paulit-ulit ko (sinabi) 'bumalik ka na,'" kwento ni de Lima patungkol kay Mancao.   Iginiit niya na hindi katanggap-tanggap ang pagtakas ni Mancao at naglunsad na ang "intensified manhunt ang mga awtoridad para maibalik sa NBI ang tumakas na dating opisyal ng PNP.   Dalawang jail guards naman ang iniimbestigahan kaugnay ang pagtakas ni Mancao.   Paglipat sa city jail   Sa naunang ulat, sinabing nakausap pa ni De Lima sa telepono si Mancao na humingi pa umano ng paumanhin sa ginawa niyang pagtakas.   Ipinaliwanag umano ni Mancao na kinailangan niyang umalis bago siya mailipat sa Manila City Jail.   Sinabi rin umano sa kanya ni Mancao na nangangamba ito sa kanyang kaligtasan kapag nailipat sa Manila City Jail.   "Mamamatay po ako dun. Ipapapatay po ako dun," katwiran umano ni Mancao kay De Lima.   Sa kabila nito, kinumbinsi umano ng kalihim si Mancao na sumuko at susubukan ng DOJ na kumbinsihin ang judge na humahawak sa kanyang kasong murder na ipagpapaliban ang kanyang paglipat sa city jail.   Nakatakda sanang ilipat ng piitan si Mancao ngayong Huwebes.   "Mag-surrender na siya. Bumalik na siya. Subukan pa rin namin na kumbinsihin ang korte na huwag muna ipalipat sa City Jail," ani De Lima.   Sa kanyang pagtakas, nag-iwan ng mensahe si Mancao sa kanyang selda sa NBI headquarters sa Maynila na nagsasaad na: "Please don't get my things w/o inventory. I am only a victim of injustice. Please understand my situation... Tnx -- C.M."   Nauna nang sinubukan ngunit nabigo ang prosecution na kumbinsihin ang korte na mapalaya si Mancao at gawing state witness para hindi makulong.   "Accused siya ngayon, hindi state witness. Kailangan harapin niya yung kaso na 'yan," paliwanag ni De Lima sa estado ng kaso ni Mancao.   "Kung inosente siya o sa tingin niya meron dapat ibang managot,patunayan niya sa korte. That should be part of his defense," dagdag niya.   Una rito, isinangkot ni Mancao sa pagkamatay nina Dacer at Corbito sina Sen. Panfilo Lacson at dating Pangulong Joseph Estrada. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News