Legarda: Isyu tungkol sa NY condo unit, paninirang-puri lamang
Paninirang-puri lamang, ayon kay Sen. Loren Legarda, ang paglabas sa isyu tungkol sa condominium unit na binili niya sa New York, na hindi umano niya isinama sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Net Worth. “Kailangan ko na pong magsalita dahil hindi naman po maaari na kung sino po ang malinis, ang siyang binabato. The no. 1 senator does not run away,” emosyonal na pahayag ni Legarda matapos lumabas ang mga balita na wala sa SALN niya ang NY condo unit. “Ang masasabi ko lang po, meron akong natanggap na e-mail galing sa isang mamamahayag na may pangalan na ganoon ang nandon at siya ay PR ng isang kandidato na naghahangad na mag no.1 kaya nag-black propaganda.” Noong Huwebes, binansagang “Lady Corona” si Legarda ng nagpapakilalang "public interest advocate" na si Louis Biraogo. Tulad umano kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona, hindi rin umano idineklara ni Legarda ang lahat ng kanyang ari-arian sa kanyang SALN simula noong 2007. Wala umano doon ang kanyang mamahaling condo unit sa Park Ave. sa New York na nabili niya sa halagang 700,000$ o katumbas ng P36M noong 2006. Ngunit sabi ni Legarda nakalagay umano ang ang property sa kanyang SALN mula 2007 sa ilalim ng “other property o equity in real property”. P28.7-M lang umano ang halaga nito at hindi P36M. Halagang P7.18M lang ang kanyang idineklara niya sa SALN dahil ito lang ang kanyang parte sa naturang family property. Ayon kay Legarda, ginawa ang black propagandang ito dahil may nagnanais umano na isang kandidato na pabagsakin siya sa unang puwesto. Palaging nangunguna si Legarda sa ratings surveys para sa mga kandidato pagka-senador sa darating na May 13. — RC /LBG, GMA News