Roxas, inatasan ni PNoy na alamin ang reklamo ni Legarda
Inatasan ni Pangulong Benigno Aquino III si Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na alamin ang reklamo ni re-electionist Senator Loren Legarda tungkol sa black propaganda na pakana umano ng kapwa niya kandidato sa Team PNoy. Sa panayam ng media kay Roxas sa pagbisita ng Team PNoy sa Bicol region, mabilis ding nilinaw ng kalihim na maituturing tapos na ang naturang usapin kay Legarda. “Magkasama kami ng Pangulo, sabi n’ya lang alamin ko ang nangyari kasi nakarating na sa kanya ang balita,” pahayag ni Roxas, president (on-leave) Liberal Party (LP). Una rito, inakusahan ni Legarda ang isang kapwa senatorial candidate sa Team PNoy na nasa likod umano ng black propaganda laban sa kanya. Ito'y matapos lumabas ang ulat tungkol sa hindi umano pagdedeklara ng senadora ng lahat ng kanyang mga ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Basahin: Loren Legarda found to own condo on posh Park Avenue in New York Gayunman, hindi tinukoy ni Legarda kung sino ang kapwa senatorial candidate sa Team PNoy na inakusahan niyang nais makuha ang kanyang number one spot sa mga senatorial survey kaya ginagawa umano ang paninira sa kanya. Idinagdag naman ni Roxas na nakausap na niya Legarda tungkol sa hinanakit nito. “Tinawagan ko si Sen. Loren, tapos na yun. Nag-usap naman kami ni Sen. Loren, sabi naman n’ya I have to defend myself. Sa press conference inilabas n’ya ang kanyang SALN at para sa akin, tapos na ‘yon. At nag-text siya sa Pangulo at kay Sen. (Franklin) Drilon,” pahayag pa ng kalihim. Tiniyak din ng kalihim na mananatiling buo ang Team PNoy at hindi magpapaapekto sa mga kumakalat na intriga sa kanilang mga kandidato habang papalapit ang eleksiyon. Sinabi rin ni Roxas na hindi na kailangan na kausapin pa niya ang iba pang kandidato ng Team PNoy na nangunguna sa mga survey. “Hindi na natin kakausapin. Hindi na tayo kindergarten, ilang beses na nga tumakbo ang mga ito. I think dapat nilang pangambahan na baka magkaroon ng reaksiyon ang mga tao sa kalaunan,” aniya. Sa isang pahayag, sinabi naman ni Sen. Franklin Drilon, campaign manager ng Team PNoy na tiniyak ni Legarda na mananatili ito sa kampo ni Aquino. “Senator Legarda has committed to me and to President PNoy that she remained a loyal team player of the Team PNoy senatorial slate and we are extremely grateful,” ayon kay Drilon. Basahin: Legarda: Isyu tungkol sa NY condo unit, paninirang-puri lamang “Senator Legarda deplored the continued black propaganda against her but she accused no one and no political party in particular as being behind this demolition job. The most that she revealed was the name of the source of media materials being circulated to opinion writers about the alleged non-inclusion of her New York property in her SALN,” paliwanag pa niya. Iwas ang Palasyo Samantala, umiwas naman si Presidential Spokesperson Edwin Laceirda na magkomento tungkol sa alegasyon na hindi nagdeklara ng tamang laman ng SALN si Legarda. “I cannot speak for the senators, ano. I can only speak for the President and the Cabinet members. Yung sa senator po, we will leave it to them to release their statement of assets and liabilities and net worth. But, again, lahat po ‘yon ay ifa-file po sa Ombudsman,” ayon sa opisyal. Ngunit binigyan-diin ni Lacierda na obligasyon ng lahat ng public officials na magsumite ng tamang laman ng SALN. “Lahat po tayo, as public officials, are expected to comply with the requisites of the law,” dagdag niya. Ipapaubaya na rin umano kay Drilon ang pagtugon sa reklamo ni Legarda sa kapwa senatorial candidate sa Team PNoy. “Hindi ko pa nakausap si Pangulong Aquino, nasa kampanya siya. Pero hinayaan na siguro si Senator Frank Drilon ang bahala na po ritong sagutin dahil talagang we are not familiar with the details of the accusation of Senator Legarda,” ayon kay Lacierda. - RP/FRJ, GMA News