Aktor na si Ervic Vijandre, sugatan matapos umanong kuyugin sa Taguig
Nagtamo ng sugat sa ulo ang dating "Survivor Philippines" castaway na si Ervic Vijandre matapos umanong kuyugin ng mga hindi kilalang lalaki habang nangangampanya sa Taguig City nitong Sabado ng umaga. Dinala sa St. Luke’s Medical Center-Global City si Vijandre para tahiin ang sugat sa kanyang ulo. “Naghahouse-to-house kami mga 9 to 10 am sa Brgy. Tutukan sa likod lang ng munisipyo nang biglang may 20 to 30 katao na naka-bonnet ang sumugod sa amin,” kwento sa GMA News Online ng aktor na tumatakbong konsehal sa 1st district ng Taguig. “Nagpaulan sila ng bato… Tinataboy nila kami… Pinalo kami na parang aso,” dagdag pa niya. May ilan pa umano nilang kasamahan ang nasaktan sa nasabing insidente. “Sa akin nga mild lang, yung sa iba may surgery pa. May pinalo sa mukha ng dos por dos,” dagdag pa niya. Kasama rin umano ni Ervic nang mangyari ang insidente ang kanilang mayoralty candidate na si Rica Tinga. Hindi naman umano ito nasaktan sa kaguluhan. Makakalaban ni Tinga ang incumbent mayor ng Taguig na si Lani Cayetano, misis ni re-electionist Se. Alan Peter Cayetano. Noong nakaraang linggo, nagtungo si Kris Aquino sa Taguig para ikampanya si Mayor Cayetano. Sinabi naman ng aktor na magsasampa sila ng reklamo dahil sa nangyaring insidente pero hindi niya masabi kung sino ang posibleng nasa likod ng pag-atake sa kanila. “Ayaw kong magbigay ng conclusion [kung sino ang may pakana nito},” ayon kay Ervic na patuloy pa rin umanong mangangampanya sa kabila ng nangyari. “Definitely, hindi ako titigil [sa pangangampanya] dahil sa mga taong nasaktan. Hindi ako magpapadala sa pananakot nila.” - Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News