Kandidatong alkalde sa Davao Oriental, itinangging dinukot siya ng NPA
Inimbitahan, hindi dinukot. Ito ang ipinaliwanag ni Ronnie Osnan, ang kandidatong alkalde ng Bangaga sa Davao Oriental matapos pakawalan ng mga umano'y kasapi ng New People's Army nitong Huwebes ng hapon. “Wala namang kidnap na nangyari saka purely friendly invitation lang na makipag-usap. Hindi naman harassment o whatever,” paliwanag ni Osnan sa panayam sa kanya na lumabas sa GMA news "Saksi" nitong Biyernes ng gabi. Naunang iniulat na binihag si Osnan ng mga rebelde nitong Miyerkules matapos umanong mabigong magbigay ng "permit-to-campaign" fees. Kinabukasan, pinalaya na siya ng mga bumihag sa kanya. Kinatigan naman pastor Manuel Tizon ang naging paliwanag ng kasamang si Osnan. “Na-invite lang kami para makipagkilala sa kanya. Pinuntahan namin yung bahay [tapos] nag-shake hands,” ayon kay Tizon, na sinasabing unang pinalaya ng NPA noong Miyerkules. Ngunit duda ang pulisya na inimbitahan lamang ng NPA ang dalawa. “But for us in the PNP there is no such thing as a permit to campaign policy, tawag namin dyan extortion activity talaga,” ayon kay Police Senior Superintendent Jose Carumba, Davao Oriental provincial director. Pinayuhan din ng pulisya ang mga kandidato na makipag-ugnayan sa kanila kapag ginigipit ng mga rebelde. Hinihinala naman ng katunggali ni Osnan na propaganda at "kidnap me" lamang ang nangyari. “Tingin ko, 75 percent to 80 percent, hindi ‘yan pagdukot. Kasi kung malinaw ‘yan na pagdukot, sa mga ganitong lugar na medyo malayu-layo, siguro mga two to three days bago makalabas,” ayon sa mayoralty candidate Arturo Monday, kasalukuyang vice mayor ng Banganga. - FRJ, GMA News