ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Planong reporma sa Bureau of Customs, nakakasa na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Plantsado na ang plano sa pagreporma sa buong Bureau of Customs ayon sa Malacañang, at magagawa umano ito sa loob lamang ng susunod na ilang buwan. Pero tumanggi si Presidential Spokesman Edwin Lacierda na magbigay ng detalye ng reporma. Ayon sa ulat ni Cecil Villarosa ng dzBB, hindi rin sinabi ni Lacierda kung nakapaloob sa reporma ang pagbalasa ng mga opisyal at empleyado ng Customs. Dagdag pa ni Lacierda, pinag-uusapan pa ang lahat ng detalye at makabubuting maghintay na lamang ang publiko sa pormal na anunsiyo ng Palasyo. Sinabi rin ni Lacierda na tahimik na inilatag ni Pangulong Benigno Aquino III ang “plan of action” para sa mga pagbabago sa nasabing ahensya. Prayoridad umano ng Pangulo at ni Customs Commissioner Rozzano Rufino Biazon na maumpisahan ang malawakang reporma sa BOC ngayong nangangalahati na ang termino ng Pangulo. Ang pagsasapribado ng ilang tungkulin nito at computerization ng proseso ng mga transaksyon ay kabilang sa mga nabanggit na pagbabago sa Customs. Ang pagbuwag sa ahensya at pagtayo ng panibago na pangangasiwaan ng mga bagong opisyales at tauhan ay isa sa matagal na umanong nais gawin ni Biazon. — RC /LBG, GMA News