Dahil sa gulo nitong Sabado, Taguig maaaring mapabilang sa 'areas of concern' ng Comelec
Maaaring mapabilang sa tinaguriang “areas of concern” ng Commission on Elections (Comelec) ang Taguig matapos ang karahasang naganap malapit sa city hall nito noong weekend sa pagitan ng mga tagasuporta ng dalawang kandidato sa pagka-mayor. Labingdalawang tagasuporta ni mayoral candidate Rica Tinga ang nasugatan matapos atakihin umano sila ng ilang nakamaskarang lalake habang sila'y nangangampanya nitong Sabado. Ayon kay Tinga, mga tagasuporta ni re-electionist Mayor Lani Cayetano ang pasimuno ng gulo — bagay na pinabulaanan naman ni Cayetano. Bunsod ng naganap na karahasan, nanawagan si Tinga sa Comelec na ideklara ang Taguig bilang “area of concern.” "Sana naman mabigyan kami ng proteksyon. Hindi lang ako, pero 'yung mga tao na nasasaktan na," ani Tinga sa "Unang Hirit" ng GMA News nitong Lunes. Ngunit ayon kay Cayetano, ang kampo ni Tinga ang pasimuno ng nasabing kaguluhan. "Ang ginawa po nila ay tahakang pagpo-provoke. Ito po ay ginawa nila at mayroon pong mga larawan na may mga dala-dala pang kwitis papasok po sa City Hall na di ho natin maunawaan kung ano ang intensyon," ani Cayetano. Dagdag niya, labag sa batas ang tangkang pangangampanya ni Tinga sa loob ng City Hall compound. Kabilang sa mga nasaktan ay ang modelo-atletang si Ervic Vijandre, kaalyado ni Tinga at tumatakbong councilor sa unang distrito ng Taguig. "Nasa paligid kami ng munisipyo, nagha-house to house kami. Nangangampanya kami, kumakamay kami, nagpapakilala, tapos bigla na lang umulan ng bato," ani Vijandre sa "Talakayan with Igan." "Puro sa ulo, puro sa likod. Puro hampas," dagdag pa niya. Ayon kay Tinga, isang tagasuporta niya na may edad 56 ang nasa ospital ngayon matapos masugatan sa nasabing kaguluhan. "Naka-confine pa rin ho. Sa Huwebes siya ay ooperahan para maayos ang kanyang ilong. Hindi nga siya makahinga masyado. Nakakaawa talaga dahil matanda po," aniya. Kasalukuyan namang pinag-aaralan ng Comelec ang kahilingan ni Tinga. “We trying to make some arrangements, trying to get the facts. Pero ang sinasabi ko dahil sa nagkagulo, there is now a request on the side of Tinga for Taguig to be put in area of immediate concern,” ani Comelec chairman Sixto Brillantes Jr. Ayon kay Brillantes, pag-uusapan nila ng Philippine National Police (PNP) kung idi-deklara ang Taguig bilang “area of concern.” “Kokontakin ko lang si [PNP] Director General Purisima, maga-agree lang kami kung pwede ilagay sa immediate concern,” ani Brillantes. Ayon naman kay Commissioner Luie Guia, magdedesisyon sila kung idedeklarang “area of concern” ang Taguig batay sa mga ulat ng mga lokal na opisyal at pati na rin ng mga pulis. "Nakita natin sa video na may kaunting kaguluhan nga at kapag nakita natin, if this is a situation na puwedeng maapektuhan 'yung free conduct ng eleksyon, including 'yung mga campaigns and all these things, titingnan ng Comelec 'yan," ani Guia sa "News To Go" ng GMA News. "Kung may area of concern, medyo may kaunting focus doon at tinitingnan kung ano 'yung potential na puwedeng mangyari dahil nga sa mga ibang pangyayari na nagaganap," dagdag niya. Kapag nagkataon, ang Taguig ang kauna-unahang lugar sa Metro Manila na mapapabilang sa “areas of concern” ng Comelec. Nagsimula ang alitan sa pagitan ng pamilya ni Cayetano at Tinga noong 2010 elections, kung saan tinalo ni Cayetano ang ama ni Tinga na si dating Justice Dante Tinga. Kasalukuyang nakabinbin sa Comelec ang electoral protest ni Dante Tinga laban kay Cayetano, na asawa ni Sen. Alan Peter Cayetano. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News