Gunman sa pagpatay kay Gerry Ortega, hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo
Mahigit dalawang taon matapos ang krimen, hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang umaming bumaril at pumatay sa broadcaster-environmentalist na si Gerry Ortega nitong Martes. Ibinaba ng Puerto Princesa City regional trial court ang hatol kay Marlon Recamata a.k.a. Pusa, dakong 3:00 p.m., ayon sa ulat ni James Viernes, Palawan affiliate ng radio dzBB. Sa nasabing ulat, iniutos din ni Judge Angelo Arrizala na dalhin si Recamata sa Iwahig Prison and Penal Farm. Naaresto ng mga pulis si Recamata matapos ang pagpatay kay Ortega sa Puerto Princesa noong Enero 2011. Una rito, sinabi ni Recamata na pinaslang niya si Ortega batay sa utos umano ni Rodolfo Edrad Jr., na security aide ni dating Palawan governor Joel Reyes. Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang dating gobernador kaugnay sa kaso mabagat itinanggi niya na may kinalaman siya sa pagpatay sa broadcaster. Idinagdag nito na nagtatago lamang siya dahil may nagbabanta sa kanyang buhay. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News