GMA News Online
Ulat Filipino
»
Bicol
»
Eleksyon 2013

Halalan sa ilang bahagi ng Albay, posible umanong ipagpaliban kapag lumubha ang sitwasyon ng Mayon

May 7, 2013 8:42pm

Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) nitong Martes na maaaring ipagpaliban ang halalan sa darating na Lunes sa mga lugar sa Albay na maaaring maapektuhan kapag tumindi ang pag-aalburoto ng bulkang Mayon.
 
Ayon kay Comelec chairman Sixto Brillantes Jr., masusi rin nilang susubaybayan ang sitwasyon sa Mayon matapos itong magbuga ng makapal na abo nitong Martes ng umaga na nagresulta sa pagkasawi ng apat na dayuhang hiker at kanilang guide na Pilipino.

“We are monitoring, kanina pa lang mino-monitor ko na 'yon. Probably if there are affected municipalities, baka pwede i-postpone in certain municipalities depending on the extent of the damage being done by Mayon,” paliwanag ng opisyal ng Comelec.

Idinagdag niya na nakikipag-ugnayan na si acting executive director Bartolome Sinocruz Jr. kay regional election officer Romeo Fortes para malaman ang sitwasyon sa Albay.
 
“Tingnan natin kung magde-develop pa hanggang election day. Pero kung hindi naman, tuloy lang (ang eleksiyon). Pero it is a good ground for postponement kasi force majeure, hindi natin nakitang mangyayari,” ayon kay Brillantes.
 
Samantala, batay sa ulat Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng Albay, kinilala ang mga nasawi sa pagbuga ng abo ng Mayor na sina:

* Joanne Edosa
* Roland Peiteize
* Farah Frances
* Furian Stelter
* Jerome Berin (Filipino tour guide)

Ayon kay Bernardo Rafaelito Alejandro, pinuno ng Office of Civil Defense ng Bicol, nasa layong kalahating kilometro ng bunganga ng bulkan ang mga nasawi nang maganap ang pagsabog.
 
“Their target is the crater... according to a guard, there was tremor and the five fell into a ravine that is estimated to be 1,000 feet deep,” pahayag ni Alejandro.—FRJ, GMA News