Dentista sa Pasay, patay; pinasok sa kanyang opisina at binaril ng suspek
Patay ang isang 49-anyos na dentista matapos siyang barilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng kanyang opisina sa Pasay City nitong Martes ng hapon. Hinihinala ng mga imbestigador na hindi pagnanakaw ang motibo sa pagpaslang sa biktimang si Dr. Carlos Acuesta dahil walang kinuhang mahalagang bagay sa opisina nito, ayon ni Rodil Vega ng dzBB radio. Nangyari ang pamamaril dakong 1:00 p.m. sa opisina ni Acuesta sa Don Antonio Building sa Arnaiz Avenue sa Pasay City. Ayon kay SPO3 Joel Landicho ng Pasay City police, isinugod pa si Acuesta sa Pasay City General Hospital pero hindi na siya naisalba ng mga duktor. Lumitaw sa paunang imbestigasyon na armado ng kalibre .45 na baril ang suspek na bumaril kay Acuesta. Nasa opisina rin umano ang tatlong-taong-gulang na anak ng biktima nang paslangin ang dentista. Inaalam pa ng mga imbestigador ang posibleng motibo sa krimen. Nangyari ang pamamaril sakabila ng umiiral na gun ban kaugnay sa gaganaping halalan sa darating na Lunes, Mayo 13. — FRJ, GMA News