ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Money ban,' ipinatutupad ng Comelec vs pamimili ng boto


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nililimitahan ng Comelec, sa bisa ng isang resolusyon, ang pagwi-withdraw ng pera sa mga bangko at iba pang "financial institutions" ngayong eleksyon. Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr, layunin ng Resolution 9688 na mapigilan ang posibilidad sa talamak na “vote buying” sa halalan sa Mayo 13, ayon sa ulat ng dzBB. Sa resolusyon, hiniling sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na abisuhan ang mga bangko simula ngayong Miyerkules hanggang Mayo 13 araw ng botohan. Hanggang P100,000 cash lamang umano ang maaring i-withdraw araw-araw mula sa isang account. Una nang kinontra ng BSP ang naturang resolusyon sa pangambang maapektuhan ang mga kalakalan at transakyon sa bangko. Pero ginamit lang umano ng Comelec ang kapangyarihan sa eleksyon sa layuning masawata ang talamak na bilihan ng boto. Limitado rin ang pagdadala ng pera na hanggang P500,000 lamang at handa umanong magbigay ng exemption ang komisyon depende sa sitwasyon.  Samantala, inatasan din ng Comelec ang National Bureau of Investigation  at Philippine National Police na umaksyon laban sa bentahan ng boto. Ayon sa ulat ni Nimfa Ravelo ng dzBB, inaatasan ang PNP na magsagawa ng entrapment operation kung kinakailangan laban sa mga bumibili ng boto at mga nagbebenta ng boto. Sa ganitong paraan umano, ayon kay Brillantes, makakapagpakulong ang Comelec ng mga gumagawa ng ganitong illegal na gawain. Tuwing eleksyon ito inirereklamo pero wala pa umanong naipakukulong sa ganitong krimen. — RC /LBG, GMA News