Palasyo: Kris 'di binili ang boto ng cab driver sa Cebu
Ipinagtanggol ng Malacañang nitong Miyerkules ang pinakabatang kapatid ni Pangulong Benigno Aquino III na Kris Aquino, matapos ihayag ni Elections chief Sixto Brillantes Jr na maaari umanong humarap sa kaso ang television host dahil sa pagbibigay niya ng P1,000 sa isang taxi driver sa Cebu. Nangyari umano ang pagbigay ng "tip" na P1,000 matapos mag-endorso si Kris sa tatlong kandidato ng administrasyon sa pagka-senador. "We respect Chairman Brillantes' opinion but we disagree with it. It is apparent that Ms. Kris Aquino decided to let the [cab] driver keep the change after he made it known to her that he was voting for the three candidates," ani deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa isang text message nitong Miyerkules. Noong Biyernes, sa ulat ng website ng Philippine Daily Inquirer (Inquirer.net), sinabi ni Kris Aquino na ibinigay na lamang niya sa driver ng taxi sa Cebu ang sukli sa P1,000 niyang kabayaran sa kanyang pagsakay. Ayon sa kapatid ng Pangulo, ginawa niya iyon matapos sabihin ng taxi driver na "yes" sa kanyang paalala na iboto ang senatorial bets ng administrasyon na sina Senador Francis Escudero, dating Movie and Television Review Classification Board chair Grace Poe, at ang pinsan nilang si Paolo Benigno "Bam" Aquino IV sa darating na halalan. Noong Martes, sinabi ni Brillantes na ang aksyon ni Kris ay maaaring maituturing na vote-buying, ngunit naniniwala siyang tila "in good faith" ang intensyon nito. Gayundin, sabi ni Valte na ang driver ng taxi "needed no persuasion nor was the money given in exchange for his vote as defined by the law." Nakasaad sa Omnibus Election Act na: "vote-buying gives, offers or promises money or anything of value... to induce anyone or the public in general to vote for or against any candidate or withhold his vote in the election." — Amanda Fernandez /LBG, GMA News