Susugod si Solenn sa mga Dabarkads at magpapakita ng dual purpose fashion items
Ngayong Miyerkules sa Fashbook, susugurin ni Solenn Heussaff ang mga Dabarkads niya sa Eat Bulaga. Una niyang pupuntahan ang actress at TV host na si Ciara Sotto na mag-tuturo muna ng ilang pole dancing moves. Nakilala na rin si Ciara sa kanyang galing sa pole dancing at sa pagkakataong ito bibigyan niya ang Fashbook host ng ilang lessons tulad na lang ng paglambitin sa pole gamit lamang ang binti. Magsisilbi naman itong challenge para kay Solenn na susubok sa pole dancing sa unang pagkakataon.
Pagkatapos ng maikling pole dancing lesson, magtutungo na ang dalawa para silipin ang laman ng kotse ni Ciara, ang kotseng niregalo mismo sa kanya ng kanyang non-showbiz husband. Ipapakita ni Ciara ang ilang gadgets niya, pole dancing items, at pati mga damit na sinusuot niya sa kanyang TV appearances. Kasama na rito ang mga damit na binigay sa kanya ng kanyang ina, ang movie icon na si Ms Helen Gamboa. Ipapakita rin ni Ciara ang isa sa pinaka-mahal niyang sapatos, ang Louis Vuitton shoes na ibinigay mismo sa kanya ni Ms Helen.
Bukod kay Ciara, sisilipin din ng Fashbook ang kotse ng comedienne at TV host na si Ruby Rodriguez. Halos dalawang dekada na si Ruby sa Eat Bulaga at marahil siya na ang pinaka-matagal na female host ng naturang noontime show. Kaya naman naging malapit na rin siya sa kanyang mga ka-trabaho na itinuturing niyang pamilya na rin. Sa katunayan, nasilip nga ng Fashbook ang ilan sa mga regalo sa kanya ng kanyang co-hosts sa Eat Bulaga tulad na lang ng libro na binigay sa kanya ni Pauline Luna, beauty items mula kay Allan K, at kumot na ibinigay naman ni Paolo Ballesteros. Makikita rin sa kanyang kotse ang isang portable chair na regalo naman ni Maxene Magalona at isang lamesa mismo na ginagamit niya kapag kumakain sa set. Ipapakita rin ni Ruby ang isang mamahaling sapatos na nabili niya mga dalawang dekada na ang nakakaraan. Isa itong sapatos mula sa sikat na brand na Escada at nabili pa niya ito kasama ang dating Eat Bulaga hosts na sina Christine Jacob at Rio Diaz.
Maliban sa Sugod Kotse, Ipapakita rin sa Fashbook ang iba’t ibang cute fashion items na dual purpose. Tulad na lang ng sunglasses at accessories na puwede ring gamitin bilang ballpen. Nakakita rin ang Fashbook ng pamaypay na nagiging sombrero at scarf na magagamit sa init dahil nakakapag-bigay ito ng lamig. Ibinababad ang scarf na ito sa malamig na tubig kung saan nakukuha nito ang lamig sa pamamagitan ng micro fibers.
Mayroon ding nakita ang Fashbook na chalk na ginagamit ding pang-kulay ng buhok at iba’t ibang fashion items na hugis pad paper, laptop at tsokolate.
Sa S-List naman, ituturo ni Solenn kung papaano gawin ang androgynous look. Kamakailan lang ay nauuso na look na ito lalo na sa covers ng fashion magazine kung saan makikita ang local stars tulad ni Marian Rivera at Anne Curtis na androgynous ang kasuotan at make-up. Sa demo ni Solenn, ipapakita niya kung paano ite-terno ang men’s clothes sa women’s accessories para maka-buo ng androgynous look. Ituturo rin niya ang simpleng make-up na makakapag-bigay pansin sa jawline at iba pang masculine features ng mga babae.