SC, nagpalabas ng TRO sa mas mahabang liquor ban ng Comelec
Pinigilan ng Korte Suprema ang Commission on Elections (Comelec) sa pagpapatupad ng limang araw na liquor ban kaugnay ng gaganaping halalan sa Lunes, Mayo 13. Sa press briefing nitong Miyerkules, sinabi ni Atty. Theodore Te, pinuno ng Public Information Office ng SC, kinatigan ng mga mahistrado ang petisyon ng Food and Beverage Inc. at International Wines and Spirits Association, pigilan ang Comelec na ipatupad ang mas mahabang araw ng liquor ban. "The courts resolves to issue a TRO effective immediately enjoining respondent Comelec from implementing liquor ban," aniya. Magsisimula dapat ang extended liquor ban ngayong Huwebes, Mayo 9, at tatagal ng hanggang Lunes, Mayo 13, araw ng eleksyon. Ngunit dahil sa TRO, ipatutupad ang liquor ban sa loob lamang ng dalawang araw lamang — sa Mayo 12 at 13. Inatasan din ng Korte ang poll body na magsumite ng komento sa petisyon bago sumapit ang 5:00 p.m. ngayong Mayo 9. Una rito, idinahilan ng Comelec na ang mas mahabang liquor ban ay pagtugon sa kahilingan na rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na unang nagmungkahi na gawing 45 araw ang liquor ban. Sa petisyon ng mga negosyante, hiniling nila na magpalabas na kaagad ng TRO laban kautusan ng Comelec upang maiwasan ang "irreparable injury." Dagdag nila, lumagpas umano ang Comelec sa kanilang jurisdiction dahil binabago nila ang Section 261 sa probisyon ng Omnibus Election Code na tumutukoy sa mga ipinagbabawal sa eleksyon. Hindi ito ang unang pagkakataon na naharang ng SC ang mga ipinapalabas na kautusan ng Comelec. Unang nang naglabas ng TRO ang SC laban sa resolusyon ng Comelec tungkol sa limitasyon sa TV at radio airtime ng mga political advertisements, at ang pagbabaklas sa mga umano'y partisan campaign posters. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News