ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dating pinuno ng mga bumbero, 7 iba pa, hinatulang makulong ng Sandiganbayan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Guilty sa kasong katiwalian ang naging hatol ng Sandiganbayan Third Division laban sa dating pinuno ng Bureau of Fire Protection (BFP), at anim na iba pang opisyal ng ahensiya, at isang negosyante. Sa 67- pahinang desisyon na pinonente ni Associate Justice Alex L. Quiroz, pinatawan ng mga mahistrado ng parusang pagkakakulong ng anim hanggang 10 taon sina dating BFP Director Mario G. Tanchangco, dating Fire Senior Supt. Aristeo O. Argosino, Fire Chief Hilario Cachero, Fire Senior Supt. Leonardo I. Sabellina Jr., Fire Supt. Romeo O. Camacho, Fire Senior Inspector Veronica S. Cataluña, SPO1 Emmanuel S. Macabuhay at private defendant na si Analyn P. Cuesta-Rubio. Nagpalabas din ng arrest warrant ang Sandiganbayan laban sa dalawa pang akusado na hindi nakikita na sina Fire Supt. Alfredo B. Vite at negosyanteng si Rowena T. Chan.   Ang naturang desisyon ay inayunan nina Presiding Justice Francisco H. Villaruz Jr. at Associate Justice Samuel R. Martires.   Ang hatol ay bunga ng kinaharap nilang kasong katiwalian kaugnay sa umano'y ghost purchases ng mga spare parts ng sasakyan na nagkakahalaga ng P6.5 milyon noong 1992. Batay sa testimonya ng mga testigo ng prosekusyon, napatunayan ng korte na nagkaroon ng kalokohan at pagsisinungaling sa bahagi ng mga akusado nang palitawin nila na nagkaroon ng delivery sa mga binili nilang bahagi ng sasakyan kahit wala naman. “…(T)he accused acted with evident bad faith when they allowed the release of P6,504,802…ostensibly to purchase spare parts which were never delivered to the BFP. Their participation is clearly indicated in the audit report,” nakasaad sa bahagi ng desisyon. Napatunayan din umano na tinanggap ng negosyanteng si Cuesta-Rubio ang kabayaran na P3.5 milyon sa engine at bahagi ng sasakyan bilang may-ari ng Lyn Cues Enterprises. - RP/FRJ, GMA News