Ilang bahagi ng QC, brownout pa rin isang araw matapos ang blackout
Isang araw matapos tumama ang malawakang pagkawala ng kuryente sa Luzon, ilang bahagi pa ng Metro Manila ang wala pa rin umano kuryente nitong Huwebes ng umaga. Ang mga apektadong lugar ay kinabibilangan ng ilang bahagi ng Quezon City, kung saan naibalik ang ilaw Miyerkules ng gabi pero nawala naputol din madaling araw nitong Huwebes, ayon sa ulat ni Allan Gatus sa radio dzBB. Paliwanag naman ng Department of Energy, naibalik na ang kuryente Miyerkules pa lamang ng gabi, at maaaring "localized" lamang ang brownout nitong Huwebes. "Baka 'yan ay localized. Baka within the distribution system," ayon kay DOE Electric Power Industry Management Bureau Director Mylene Capongcol sa isang panayam sa radio dzBB. Bandang 11:50 p.m. noong Miyerkules, naibalik na ang ilaw at ang yellow notice na nagpapahiwatig ng kakulangan sa reserbang kuryente ay inalis na. Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), mayroon ng reserbang 262-megawatts sa Luzon bandang 6 a.m. Ang system capcity outlook naman para sa Huwebes ay 8,567 megawatts. Sa Visayas naman, ang system capacity outlook ay nasa 1,803 megawatts, at may reserbang 359 megawatts. Imbestigasyon Ayon kay Capongcol, napag-alaman sa paunang imbestigasyon na ang pagpalya ng special protection system ng Calaca Unit 2 at Calaca Biñan line ang nagdulot ng pagkawala ng 3,500 megawatts na kuryente. Inatasan na diumano niya ang NGCP na tapusin na ang ebalwasyon sa nangyaring brownout. Nakiusap na rin siya sa Philippine Independent Power Producers Association upang magsumite ng mga logs ng mga generation facilities na apektado. — JGV /LBG, GMA News