Meet Ellen DeGeneres' 4-year-old Czech-Pinoy 'boyfriend' Kai Langer
Gaya ng kanyang idolo na may dugong Pinoy na international singer na si Bruno Mars, muling nagtanghal habang may suot na fedora hat ang apat-taong-gulang na si Kai Langer sa "The Ellen DeGeneres" Show. Kinanta sa show ng cute na Czech-Pinoy na si Kai ang "When I Was Your Man," single ni Bruno Mars, na umere sa Estados Unidos nitong Miyerkules ng gabi. Sa nasabing episode, binigyan ni Kai ng bracelet ang host ng show na nakalagay ang kanyang pangalan para lagi raw siyang maalala ni Ellen. Ang suot na bracelet ni Kai, may nakalagay namang pangalan ni Ellen. Nang tanungin ni Ellen si Kai kung "going steady" na sila, oo, ang naging tugon ng bata. Unang naimbitahan ni Ellen si Kai noong Marso matapos na mapanood ang kanyang video sa Youtube habang inaawit nito ang "Grenade," na pinasikat din ni Bruno Mars. Ang naturang first appearance ni Kai sa show ni Ellen kung saan inawit din niya ang "Granade" ay mayroon nang mahigit 9 milyong views. Ilan pa sa mga Pinoy na nakapagtanghal sa "Ellen DeGeneres" show ay sina Charice, Rhap Salazar, at Zendee Rose. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News