Mga gurong miyembro ng BEI, ininsulto umano ng election supervisor ng Davao City
Humihingi ng public apology mula sa election supervisor ng Davao City ang mga guro na miyembro ng Board of Elections Inspector (BEI) sa darating na halalan. Sa ulat ni Rose Bernales ng GMA-Davao sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing nasaktan ang Department of Education (DepEd-Region 11) at mga gurong miyembro ng BEI kaugnay sa naging pahayag sa panayam sa radyo ni Atty. Aimee Ampoloquio, election supervisor, 1st district Davao City. Sa naturang panayam sa radyo, sinabihan umano ni Ampoloquio na walang alam ang mga guro matapos magkaaberya sa ginawang final testing at sealing ng mga gagamiting PCOS machines sa halalan. Patuloy umanong nagkakamali ang mga guro sa kabila ng ginawang pagsasanay sa kanila sa pag-operate ng makina. Ngunit depensa ng mga guro, maigsing panahon lamang ang inilaan sa kanila para sanayin sa pag-operate ng mga PCOS. Sa halip na sumbatan, dapat umano tinuruan ang mga guro para maitama ang kanilang pagkakamali. Nangangamba ang mga guro na maapektuhan ang integridad ng mga boto dahil sa ginawang akusasyon sa mga kasapi ng BEI. Nais din nilang humingi ng paumanhin sa mga guro si Ampoloquio. - FRJ, GMA News