ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tagasuporta ng isang pulitiko sa Pangasinan, inireklamo ng vote buying


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inaresto at inireklamo ng vote buying ang dalawang tagasuporta ng isang re-electionist board member sa Pangasinan. Pero giit ng lokal na opisyal, political harassment ang nangyari sa kanyang mga tagasuporta. Sa ulat ni Glam Calicdan ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing dinala sa presinto sina Paterno Arcillas at Ruel Morales, na tagasuporta ni Pangasinan second district board member Raul Sison. Pinaratangan sina Arcillas at Morales na namimili ng boto sa Urbiztondo, Pangasinan. Nakuha umano sa dalawa ang ilang sample ballot, listahan ng pangalan ng mga botante, at P10,000 cash na ipinamimigay daw sa mga tao. Pero paliwanag ng dalawa, namimigay lang sila ng sample ballot nang lapitan sila ng limang lalaki na armado ng baril. Kasunod nito ay dinala sila sa bahay ni Urbiztundo mayor Ernesto Balolong bago sila dinala sa pulisya. Gayunman, hindi nakilala nina Arcillas at Morales ang mga lalaki na sinasabing dumakip sa kanila. Naniniwala si Sison na mga kalaban niya sa pulitika ang may pakana sa paghuli sa kanyang mga tagasuporta. Iginiit din niya na wala namang nagrereklamo sa dalawa niyang tagasuporta. Nakalaya na ang dalawa nitong Miyerkules pero naisampa na sa piskalya ang kaso laban sa kanila. Samantala, wala pang na pahayag na ibinibigay si Mayor Balolong, na makakalaban sa pagka-alkalde ng asawa ni Sison. - FRJ, GMA News