ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ina at dalawa niyang anak, patay matapos mabagsakan ng pader ang bahay


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nasawi ang isang ginang at dalawa niyang batang anak nang mabagsakan ng konkretong  pader ang kanilang bahay sa Orion, Bataan nitong Biyernes. Kinilala ni P/Insp. Ronnel Royo, deputy Orion police chief for operations, ang mga biktima na sina Maribel Carpio, 27-anyos, at mga anak niyang sina Noah, 5-anyos at Seahnea, 9 na buwan. Isinugod naman sa St. Michael Hospital sa Orion at inoobserbahan ang isa pang anak ni Maribel na si Seahan John Michael, 7-anyos. “Pinag-aaralan pa ng pulisya kung may pananagutan ang may-ari ng pader. Sa initial investigation, mukhang sub-standard ang materyales na ginamit,” ayon kay Royo. Sinabi ni Diego dela Pena, kapit-bahay ng mga Carpio sa barangay Sabatan na matinding napinsala ang bahay ng biktima dahil sa pagkakadagan ng pader.  “Pagpasok ko sa loob, inabutan ko isang bata na humihingi ng saklolo na hindi niya alam patay na pala ang ina niya at dalawang batang kapatid na natabunan ng hollow blocks at lupa,” kwento ni dela Pena. Nasa labas ng bahay ang ama ng pamilya na si Cyril Carpio nang maganap ang insidente kaya ito nakaligtas. Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring trahedya. -- Ernie B. Esconde/FRJ, GMA News

Tags: accident, bataan