ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pulis, na nagbabantay ng PCOS sa Eastern Visayas, pinaslang


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang pulis na nagbabantay ng precinct count optical scan (PCOS) machines sa Eastern Visayas ang namatay matapos atakihin ng apat na hindi pa nakikilalang lalaki nitong madaling araw ng Linggo.   Batay sa ulat na nakarating sa Philippine National Police Region 8  Headquarters, nangyari ang insidente sa Barangay Calingatngan sa bayan ng Borongan dakong 4:00 a.m.   Ayon kay PNP Region 8 Chief Superintendent Elmer Soria, apat na armadong lalaki ang nagpaputok sa PNP-BPAT security team na nagbabantay sa clustered precinct sa Calingatngan.   Ang biktimang kinilalang si PO1 Agerico Afable ay namatay sa tama ng bala, ayon kay Soria.   Sugatan naman ang barangay tanod na si Glecerio Gema, samantalang nakaligtas ang isa pang tanod na si Ronnie Basana matapos magkunwaring patay.   Tumakas ang mga armadong lalaki dala ang baril ni Afable at ang uniporme ni PO1 Cesar Yu.   Hindi naman nagalaw ang PCOS machines.   Inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin.   'Permit to campaign'   Samantala, anim na hinihinilang miyembro ng New People's Army ang inaresto sa lalawigan ng Bulacan nitong Sabado ng umaga habang nangongolekta umano ng pera sa mga lokal na kandidato kapalit ang "permit to campaign."   Sa ulat ni Manny Vargas sa radio dzBB, inihayag ni Maj. Emmanuel Garcia, AFP deputy public affairs office chief, na nahulihan din ng armas ang mga hinihinalang rebelde nang pigilin sila sa bayan ng Doña Remedios Trinidad.   Sinabing nakasakay ang anim sa isang trak na kinulayan na parang sasakyan ng mga sundalo.   Noong Abril 27, ilang hinihinalang miyembro rin ng NPA ang nadakip sa lalawigan dahil din sa bintang na nangongolekta ng pera sa mga pulitiko kapalit ng permit to campaign. - JGV/FRJ, GMA News

Tags: crimes, rpcrimes, pcos