Apat na Pilipinong U.N. peacekeepers, pinakawalan na
Pinakawalan na ng mga rebeldeng Syrian ang apat na Pilipinong U.N. peacekeepers na nadukot sa ceasefire line sa pagitan ng Syria at ng Golan Heights, kinasasakupan ng mga Israeli noong nakaraang linggo, ayon sa ulat ng al Jazeera English nitong Linggo. Ayon sa ulat, nakatakda nang ilipat ang apat sa Israel. Samantala, ayon kay Armed Forces of the Philippines spokesman Brig. Gen. Domingo Tutaan, inilipat na sa pangangalaga ni Lieutenant Col. Nolie Anquilano, commanding officer of the Philippine Battalion, ang apat na sundalo bandang 8:30 ng umaga sa Syria (2:30 ng hapon sa Manila). Ayon kay Tutaan, sinabi ni Anquilano na "seems to be okay" ang kalagayan ngayon ng apat na biktimang nakatakda na ring sumailalim sa medical checkup at stress debriefing. "The AFP is glad that the situation is already resolved and there is no harm done to the soldiers," dagdag niya. Samantala, sinabi naman ni AFP Public Affairs Office Chief Major Ramon Zagala sa GMA News Online na wala pa silang natatanggap na impormasyon tungkol sa negosasyon ng UN na nagresulta sa pagpapalaya sa mga nadukot na peacekeepers. Ayon sa kanya, inilipat na ang apat sa Camp Ziuoani, ang base ng UNDOF sa Golan Heights upang sumailalim sa medical checkup at stress debriefing. Samantala, nagpasalamat naman ang Department of Foreign Affairs sa United Nations sa pagsisikap nito. “The Philippine government and its people express deep appreciation to the U.N. and to all those who have exerted and contributed to the collective efforts to effect the safe release of all four U.N. Disengagement Observer Force’s members," ayon nito sa isang pahayag. Dinukot ng mga rebeldeng nagpakilalang “Yarmuk Martyrs Brigade" noong Marso 7 ang mga peacekeeper, na bahagi ng U.N. monitoring mission sa Golan Heights sa pagitan ng Syria at Israel matapos ang 1973 Arab-Israeli na gyera. Para sa Manila, ang pagdukot sa mga peacekeeper ay "violation of international law." Inanunsyo na rin nito ang planong i-withdraw ang 343 militar at kapulisan ng Pilipinas na tatlong taon nang naninilbihan sa Golan Heights. “The Philippines...strongly reiterates its call on all parties to respect the freedom of movement and safety and security of peacekeepers in UNDOF,” ayon sa DFA. “Indeed, this respect of freedom of movement and safety and security of peacekeepers must be extended to all UN peacekeeping missions all over the world, consistent with commitments and obligations under international law.” — Amanda Fernandez/BM, GMA News