Valte, 'di nakaboto matapos mawala ang pangalan sa listahan ng mga botante
Nagpahayag ng pagkadismaya si presidential deputy spokesman Abigail Valte matapos na hindi siya makaboto ngayong halalan. Sa kanyang Twitter account, ipinaalam ng opisyal ang kanyang pagkabigla nang malaman na wala ang pangalan niya sa listahan ng mga botante sa kanilang lugar. "Came from the Makati COMELEC office.record says I didn't vote in 2 consecutive elections but I voted in 2010. How can that be?!" nakasaad sa post ni Valte sa kanyang Twitter account. Ngunit itinanggi ni Valte dahil noong 2009 lang siya nagparehistro kaya tiyak siya sa pagboto sa nakaraang 2010 elections kung saan nanalong presidente si Pangulong Benigno Aquino III. Gayunman, masaya na rin umano si Valte dahil nakalista naman ang pangalan ng kanyang ina kaya kahit papaano ay mayroon nakaboto sa kanila. Pinayuhan umano ng taga-Comelec si Valte na muli na lamang magparehistro para makaboto sa susunod na eleksiyon. Una rito, napaulat din na hindi makakaboto ngayong eleksiyon ang misyong tagapagsalita ng Comelec na si Atty. James Jimenez matapos ma-deactivate ang kanyang pangalan dahil hindi rin nakaboto sa nakaraang dalawang eleksiyon. -- FRJImenez, GMA News