ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Sen. Bong Revilla Jr.: 'Talagang sobrang harassment na inaabot namin'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagreklamo ng harassment o panggigipit si Senador Ramon "Bong" Revilla Jr., kaugnay sa pagkakahuli ng mga pulis sa ilang "confidential" agent umano ng National Bureau of Investigation (NBI) malapit sa kanilang compound sa Imus, Cavite. Umaga nitong Lunes nang pumuwesto sa labas ng compound ng mga Revilla ang mga tauhan ng PNP-SWAT team upang isilbi ang warrant to search para sa isang sasakyan sa lugar na naglalaman umano ng mga iligal na armas. Hapon na nitong Lunes nang maisilbi ang warrant at nasuri ang pakay na sasakyan kung saan nakita ang ilang armas tulad ng dalawang AK-47 at dalawang Armalite.  Lumitaw na walang exemption documents sa Commission on Elections ang mga armas. Sa panayam ng media, sinabi ni Revilla na humingi siya ng tulong sa NBI dahil sa nararanasang panggigipit ng kanyang pamilya.  Tumatakbong kongresista ang kanyang misis na si Lani, habang bise gobernador naman ang posisyon na tinatakbuhan ng kanyang anak na si Jolo.   "Kagabi pa 'to. Talagang sobrang harassment na inaabot namin. In fact, kahapon pa lang ng hapon ng itong PNP, tinatakot na 'yong baranggay captains namin, ultimo 'yong kapatid ko na lumpo na baranggay captain, eh pinipilit arestuhin," pahayag ng senador.   Dagdag pa nito, "Ultimo 'yong mga riders, 'yong Kabayan riders na nagtataboy sa mga nagvo-vote buying, 'yong daw ay goons namin, de baril daw. 'Yong isang rider na 'yong mga babae, 'yon na nga lang ginagamit namin para sa nagbibili ng boto. Tapos 'yon pa ang sinasabi nilang private armed grupo namin."   Inireklamo rin ng senador ang umano'y paglalagay ng mga "spike" sa kanyang compound na sinasamahan pa umano ng ilang pulis.   Dahil wala umanong makuhang suporta sa pulisya, napilitan silang humingi ng tulong sa NBI, na binabaliktad naman daw ngayon.   Nang tanungin kung sino ang nasa likod ng panggigipit sa kaniyang pamilya, pahayag ng senador: "Maliwanag pa ho sa sikat ng araw kung sino ang tumatakbo sa lalawigan. Araw ngayon ng halalan. Bakit nagkakaroon ng ganito?"   Kalaban ni Lani sa posisyon ng pagka-kongresista si  JBC Castillo ng Liberal Party at independent candidate na si Bong Ber Ado. Samantala, kandidato ng LP sa pagka-bise gobernador si Ronald Jay Lacson, na anak ni Sen. Panfilo Lacson, at independent candidate na si Recto Cantimbuhan. Nanawagan si Revilla kay Pangulong Benigno Aquino III na pigilan ang umano'y paggamit sa pulisya sa panggigipit. Inihayag naman ni Chief Superintendent Generoso Cerbo, spokesman ng PNP, na walang pinapanigang kandidato ang kapulisan. "Ang PNP kami ay inutusang manatiling dedicated at committed. Sila ay pinagbabawalan na gumalaw at magsalita ng political. Hindi sila maaaring maging partisan lalo na sa araw na ito," paliwanag ni Cerbo. Kakasuhan naman umano ng paglabag sa election gun ban ang mga nahuli tungkol sa armas. "Nag-file ng search warrant para mahalughog ng legal ang limang sasakyan na sa ngayon ay hinihintay natin ang magiging resulta ng finile na search warrant," ani Cerbo. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News

Tags: bongrevilla