ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Aga Muhlach at Shalani Soledad, kabilang sa showbiz personalities na mahigpit ang laban sa bilangan ng mga boto


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kung mayroon mga showbiz personalities na tiyak na ang panalo at maging ang pagkatalo, mayroon din ilan na nahaharap sa mahigpit na laban sa kani-kanilang katunggali sa katatapos na eleksiyon.   Sa ika-apat na distrito ng Camarines Sur, lamang ang aktor na si Aga  Muhlach kontra sa mahigpit niyang kalaban na si Wimpy Fuentabella.   Batay sa 68.46% ng Nationwide Election Returns ng lalawigan, mayroon ng 51,731 boto si Muhlach, habang 48,804 boto naman ang nakamit ni Fuentabella.    Nakalalamang din sa boto ang direktor na si Lino Cayetano, na kandidatong kongresista sa ikalawang distrito ng Taguig City.   Batay sa 43.76% Election Returns ng Taguig City,  mayroon ng 30,511 boto si Cayetano, laban sa 24,127 boto ng pumapangalang si Henry Dueñas Jr.   Si Direk Lino ay kapatid nina Senator Pia Cayetano at re-electionist Sen. Alan Peter Cayetano.    Sa Valenzuela City, naghahabol din sa boto ang dating TV host na si Shalani Soledad na kandidatong kongresista sa ikalawang distrito ng lungsod.   Mayroong 46,975 boto si Shalani, na ex-girlfriend ni Pangulong Aquino, kontra sa 49,384 boto ng nangunguna at incumbent congressman na si Magi Gunigundo. Ang bilang ng mga boto ay batay sa 86.79% ng City of Valenzuela, NCR Election Returns.   Ganito rin ang sitwasyon ni Joey Marquez na tumatakbo sa pagka-kongresista sa ikalawang distrito ng Parañaque City.    Batay sa 82.47% ng Election Returns ng Parañaque, mayroong 39,381 boto ni Marquez, laban sa 46,917 boto ng nangungunang si Gus Tambunting.   Sa labanan ng pagka-alkalde sa Ormoc City, mahigit 1,200 boto ang naglalayo sa nangungunang si Edward Codilla na may 32,963 boto, laban sa aktor na si Richard Gomez na may 31,780 boto.   Ang datos ay base sa 82.2% ng Election Returns ng Ormoc City.   Halos tiyak na ang panalo   Samantala, dahil sa malaking kalamangan kontra sa pumapangalawang kandidato, halos tiyak na ang panalo ng aktor at re-electionist Laguna congressman na si Danilo Fernandez.   Umabot na sa 120,784 ang boto ni Fernandez, na malayo sa 39,854 ng pumapangalawang si Gat-ala Alatiit. Ito ay batay sa 74.77% ng Laguna Election Returns.   Ang aktor na si Alfred Vargas, nakakuha na ng 56,954 boto bilang kandidatong kongresista sa ikalimang distrito ng Quezon City. Ang pumapangalawang si Annie Rosa Susano na may 21,837 boto base sa  83.57% ng NCR Election Returns.   Sigurado naman ang panalo ng boxing champ na si Manny Pacquiao sa kanyang reeleksyon sa pagka-kongresista sa lone district ng Sarangani. Samantala, malaki na rin ang posibilidad na manalo ang asawa nitong si Jinkee Pacquiao na tumatakbo sa pagka-bise-gobernador ng Sarangani.   Malaki naman ang kalamangan ni Jolo Revilla sa labanan ng pagka- vice governor ng Cavite kontra sa anak ni Sen. Ping Lacson na si Ronald Jay Lacson.   Batay sa 65.15% ng Cavite Election Returns, nakakuha ng 395,147 boto ang anak ni Sen. Bong Revilla Jr., na si Jolo, habang 231,105 boto naman ang nakamit ni Ronald Jay. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News

Tags: eleksyon2013