Vin Diesel, ipinaglaban na matuloy ang pagpunta niya sa Pilipinas
Ikinuwento ng Hollywood actor na si Vin Diesel na kamuntik nang hindi matuloy ang pagpunta niya sa Pilipinas dahil sa planong kanselahin ang red carpet premier sa Manila ng bago niyang pelikulang "Fast and Furious 6." Napag-alaman na ikinunsiderang kanselahin ang premier sa Pilipinas ng nasabing action-packed movie dahil hindi makakarating ang ibang lead star ng pelikula katulad nina Dwayne "The Rock" Johnson at Paul Walker. Basahin: Red carpet event ng 'Fast and Furious 6,' dinagsa ng fans Pero ipinaglaban daw ni Vin na matuloy ang premier dahil isa ang Manila sa mga lugar na gusto niyang mabisita. Malapit daw sa puso ng Hollywood actor ang Pilipinas dahil ilan din sa kanyang mga kamag-anak ay may dugong Pinoy. Katunayan, ikinukonsidera nga raw niyang dito sa Pilipinas mag-retire. "Everyone is so happy here and its really... it does affect you," pahayag ng aktor sa panayam ni Cata Tibayan para sa GMA News. "It makes you feel warm and welcome, and it makes you fall in love with the Philippines," dagdag niya. Ayon sa aktor, kapag tinanong siya kung anong lugar sa mga nabisita niya ang kanyang nagustuhan, agad daw niyang sasabihin ang Pilipinas dahil sa pagiging magiliw ng mga Pilipino. Basahin: Hollywood actor Vin Diesel, ini-enjoy ang pananatili sa bansa; sumakay na rin ng jeepney Bukod kay Vin, nasa bansa rin ang iba pang cast member ng pelikulang "Fast and Furious 6" na sina Michelle Rodriguez, Luke Evans at Gina Carano. Si Luke, sinabing maraming Pinoy na naging kaibigan at katrabaho nang mapasama rin siya sa musical play na "Miss Saigon." Ginanap nitong Miyerkules ng hapon sa SM-Mall of Asia ang premier ng pelikula. Napag-alaman din na pinadalhan ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang grupo ni Vin ng gloves na may pirma niya bilang regalo. -- FRJimenez, GMA News