GMA News Online
Ulat Filipino
»
Bicol
»
Eleksyon 2013

Aga Muhlach vs Wimpy Fuentebella, at ang nagwagi...

May 16, 2013 11:20pm
Natapos na ang pagbibilang ng mga boto sa ika-apat na distrito ng Camarines Sur kung saan naging mahigpit ang labanan ng aktor na si Aga Muhlach at ni William “Wimpy” Fuentebella.

Nitong Huwebes ng gabi, idineklara ng provincial board of canvassers na panalo sa nakaraang halalan si Fuentebella na nagkamit ng kabuuang 82,834 boto, kontra sa 80,629 boto ni Aga.



Sa mga unang bilangan ng boto, lumalamang lamang ng ilang daang boto si Aga laban sa kanyang katunggali na mula sa kinikilalang angkan ng pulitiko sa lalawigan.

Papalitan ni Wimpy sa naturang puwesto ang kanyang ama na si outgoing Rep. Arnulfo Fuentebella.

Nauna nang sinabi ni Aga nitong Miyerkules na igagalang niya ang magiging pasya ng mga tao pagkatapos na mabilang ang lahat ng mga boto.

Kasabay nito, idineklara na rin ng PBOC na si Miguel “Migz” Villafuerte ang panalong gobernador sa Camarines Sur na may 263,792 boto.

Tinalo ni Migz ang kanyang lolo na si Luis Villafuerte na nakatanggap ng 200,086 boto.

Sa isang panayam ng GMA News, sinabi ni Migz na sa kabila ng murang edad na 24, handa niyang gampanan ang kanyang tungkulin bilang gobernador ng lalawigan.

Personal din umano niyang pupuntahan ang kanyang lolo para paghilumin ang iringan sa pulitika ng kanilang pamilya.



Gayunman sa hiwalay na panayam ng GMA News, ipinahayag ng nakatatandang Villafuerte na hindi pa ito handa na makipagkasundo sa kanyang apo.

Ipinaalala rin niya ang mga kaso at protesta na inihain nila sa korte laban kay Migz dahil sa misrepresentation umano sa pagtakbo dahil nagpakilala rin ito bilang "LRay Jr."

Ama ni Migz si outgoing governor LRay Villafuerte na natalo sa pagtakbong kongresista sa second district laban kay incumbent Rep. Dato Arroyo. - FRJimenez, GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus