ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Panalo ni Felix Fuentebella, kinuwestiyon ng kampo ni Aga Muhlach


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi pa ganap na tanggap ng kampo ni Aga Muhlach ang pagkatalo kay Felix "Wimpy" Fuentebella sa labanan ng pagka-kongresista sa 4th district ng Camarines Sur. Sakabila ng pagtutol ng kampo ni Muhlach, iprinoklama ng provincial board of canvassers nitong Huwebes ng gabi bilang nanalong kongresista sa nabanggit na distrito si Fuentebella. Lumitaw na nagkamit ng kabuuang 82,834 boto si Fuentabella, kontra sa 80,629 boto ni Muhlach. Ngunit ayon kay Atty. Howie Calleja, magpepetisyon sila sa Comelec na magdeklara ng failure of election sa lima o anim na presinto kung saan nagkaroon umano ng aberya sa PCOS machines. Iginiit ni Calleja na maituturing walang halalang naganap sa mga nabanggit na presinto dahil hindi umano nabilang ang mga boto dahil na-corrupt ang mga CF cards ng makina. Tinatayang aabot umano sa 4,000 boto ang sangkot sa mga presinto, sapat para maapektuhan ang mahigit na 2,000 botong kalamangan ni Fuentebella. Samantala, hindi naman nakapagbukas ang tanggapan ng munisipyo ng Tigaon, Camarines Sur matapos na pagbabatuhin ito ng mga sinasabing mga tagasuporta ng aktor. Nagalit umano ang mga nagpoprotesta dahil sa mabagal na pagbibilang ng boto sa nasabing munisipyo kung saan nakaupong alkalde ang kapatid ni Felix na si Arnie. Sa panayam naman ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ni Felix na kumpiyansa siyang mananalo sa mahigpit nilang laban ni Muhlach dahil may mga lugar siyang pinuntahan na hindi narating ng aktor. Idinagdag pa niya na bilang abogado, mas nararapat na pumunta sa Comelec para magprotesta kaysa pumunta sa daan at mambato o gumawa ng kaguluhan. Kasabay nito, kinondena niya ang nangyari sa munisipyo ng Tigoan at mga nagpapakalat umano ng mga maling impormasyon. - FRJ, GMA News