MECO chairman, handang bumalik sa Taiwan anumang oras sakabila ng mga naranasang panggigipit doon
Inihayag ng pinuno ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) na si Amadeo Perez Jr., na nakahanda siyang bumalik sa Taiwan anumang oras upang ipagpatuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal doon upang maresolba ang sigalot ngayon bunga ng pagkamatay ng isang mangingisdang Taiwanese sa karagatang sakop ng Pilipinas. Sa panayam nitong Sabado, sinabi ni Perez na mauunawaan niya ang hinanakit ng mga Taiwanese sa nangyari sa kanilang kababayang mangingisda pero umaasa siyang mangingibabaw pa rin ang matagal at magandang relasyon ng Pilipinas at Taiwan. "Kahit ako na-experience ko (ang galit ng ilang Taiwanese). Naiintindihan naman natin ang damdamin nila pero sana 'wag naman humantong na sasaktan nila ang mga kababayan natin doon," pakiusap ng opisyal na nagsabing nanatiling bukas ang komunikasyon ng Pilipinas at Taiwan. Una rito, naikuwento ni Perez nang bumalik siya sa Pilipinas mula sa Taiwan nitong nakaraang Huwebes ang naranasang diskriminasyon sa tinuluyang hotel at maging ang pagtrato sa kanila ng media. Nagtungo doon si Perez para personal na iparating ang paghingi ng paumanhin ni Pangulong Benigno Aquino III sa nangyaring insidente ng pamamaril sa mangingisdang Taiwanese. Lumabas sa mga ulat na napilitang paputukan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagpapatrolya sa karagatang sakop ng Pilipinas sa bahagi ng Batanes, ang barko ng dayuhang mangingisda nang tangkain nitong banggain ang sasakyang pandagat ng coast guard. Sa panayam ng dzBB radio nitong Sabado, pinayuhan ni Perez ang mga Pinoy na magtutungo sa tanggapan ng MECO na mag-ingat dahil na rin sa ipinapakitang galit ng mga Taiwanese. Ayon Perez, binabato ng itlog at bulok na gulay ng mga Taiwanese ang tanggapan ng MECO. Maging siya umano ay nakatikim ng sipa at siko, at halos mabunggo ng camera ng mga Taiwanese media nang dumating siya sa airport. Sakaling lumubha ang sitwasyon, inihayag ng opisyal na nakahanda silang ilikas ang mga Pilipino sa Taiwan, sabay pagtiyak na hindi nila pababayaan ang mga kababayan na nagtatrabaho doon. Tinatayang may 85,000 Pilipino ang nagtatrabaho sa Taiwan, kung saan ang malaking bahagi ay nagtatrabaho sa mga pabrika. Dahil sa krisis, inihayag ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na naghahanap ang Department of Labor and Employment ng ibang bansa na maaaring makapagtrabaho ang mga Pinoy na maapektuhan ng krisis sa Taiwan. Bunga ng mga napapabalitang panggigipit ng ilang Taiwanese sa mga Pinoy, nagbigay ng hotline ang MECO /Kaohsiung Labor office na maaaring tawagin ng mga kababayan. MECO-Kaohsiung: (07) 3985935 to 36 Fax: (07) 3985929 MECO-Kaohsiung-Labor: (07) 3982475 (07)3987078 Fax: (07)3980541 “We have been receiving unverified accounts of acts of violence...against Filipinos. We have informed Taiwanese authorities of these reports and they have assured us such acts will not be tolerated... wrongdoers shall be prosecuted according to law,” nakasaad sa Facebook page ng ahensiya. Nagpayo rin ang MECO Kaohsiung sa mga Pinoy sa Taiwan na, “remain calm and avoid any confrontation with any belligerent individuals.” “Please avoid large groups and calling attention to yourselves,” paalala ng ahensiya. - FRJ, GMA News