ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

De Lima, nanawagan sa Taiwan at publiko na hintayin ang resulta ng imbestigasyon ng NBI


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakiusap si Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima nitong Sabado sa mga imbestigador mula sa Taiwan na hintayin munang matapos ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation tungkol sa pagkamatay ng isang mangingisdang Taiwanese na noong Mayo 9.   Sa isang pahayag sa Twitter account, hiniling rin ng kalihim sa publiko na huwag munang gumawa ng anumang espekulasyon o "premature disclosure" sa anumang sinasabing findings na manggagaling sa magpapakilalang "insider sources."   "We advise everyone to just wait for the results of the NBI investigation and avoid making any speculations and/or premature disclosure of so-called 'findings' or info from so-called 'insider sources," pakiusap ni De Lima.   Tiniyak ni De Lima na magiging patas, masusi at mabilis ang ginagawang pagsisiyasat ng NBI.   Inihayag ng mga imbestigador mula Taiwan nitong Sabado na sadyang pinaslang ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard ang kanilang kababayang mangingisda sa nangyaring insidente noong Mayo 9. Nadismaya sila nang hindi pumayag si De Lima na magkaroon ng joint investigation sa nangyaring pamamaril.   Sa mga unang ulat, ipinaliwanag ng PCG na napilitan silang paputukan ang barko ng Taiwanese dahil babanggain sila nito. Sinita ng coast guard ang mga dayuhan matapos makitang nangingisda sa karagatang sakop ng Pilipinas   Dahil sa sigalot, nagdesisyon ang Taiwan na itigil ang pagproseso sa mga aplikasyon ng mga Pilipinong nagnanais na magtrabaho sa Taiwan at naglabas rin ng red warning alert para hindi muna bumiyahe sa Pilipinas ang kanilang mga kababayan.   Nanawagan naman si De Lima sa lahat kabilang na ang media na huwag gumawa ng mga pahayag tungkol sa ginagawang sensitibong imbestigasyon ng NBI na maaaring makapagpalubha pa sa sitwasyon.   Inutusan na rin niya ang NBI na huwag isapubliko ang resulta ng kanilang imbestigasyon hanggat hindi pa ito opisyal na pinapahintulutan.   "We can only reveal the findings once the report is officially released," aniya. -- JGV, FRJ, GMA News  

Tags: taiwan